LAGI siyang nakatungo at sa gabi lang lumalabas ng bahay. Hindi siya bampira. Normal siyang tao. Ang babaing ito na nagngangalang Elena ay nabuhay noong panahon ng Kastila.
Noong 1890’s, may night school para sa high school sa kanilang probinsiya. Sa gabi nag-aaral si Elena. Maganda siya pero walang nanliligaw. Bukod sa lumalabas lang ito sa gabi, lagi pa itong nakatungo kapag naglalakad. Sino namang lalaki ang maaakit sa dalagang halos isubsob ang mukha sa kalsada kapag naglalakad. Ang akala ng iba ay mahiyain lang si Elena pero may malalim palang dahilan ang mga ikinikilos niya.
Minsan, hindi maiwasang lumabas ng araw si Elena. Kailangan niyang pumunta sa school sa umaga. Ang exam nila sa night school ay kailangang gawin sa umaga dahil aalis ang kanilang maestra para magbakasyon.
Kinabukasan ng umaga, pumasok si Elena sa school upang kumuha ng exam. Sinamahan siya ng kanyang ina. Hindi siya puwedeng lumakad mag-isa. Baka masagasaan ng mga kalesang tumatakbo sa daan. Kasi nga, nakatungo ito habang naglalakad.
Natapos ang exam. Hindi naiwasan ni Elena na mapatitig sa mukha ng maestra habang iniaabot niya ang kanyang sinagutang test paper. Maya-maya, namutla ito. Gumuhit ang takot sa mukha… kasunod ang nakakabingi nitong sigaw.
Napaangat sa pagkakaupo ang nanay ni Elena na noon ay naghihintay sa labas ng classroom. Nasilip niyang si Elena ang sumisigaw. Pumasok agad sa isip niya: May nakakatakot na naman kayang nakita ang anak niya? (Itutuloy)