IDINEMANDA ng mag-asawang senior citizen sa Bad Salzuflen, Western Germany ang kanilang kapitbahay dahil sa diumano’y 200 beses tumilaok sa loob ng isang araw ang alagang manok ng mga ito!
Ayon sa 76-anyos na si Friedrich Wilhelm, hindi sila nakakatikim ng katahimikan dahil sa ingay na dala ni Magda, ang alagang tandang ng kanilang kapitbahay. Dagdag pa ng misis nito na si Jutta Wilhelm, nagsisimulang tumilaok si Magda ng 8:00 a.m. at walang tigil na ang pagtilaok nito hanggang paglubog ng araw.
Ayon sa mag-asawang Wilhelm, noong una ay pinakikiusapan nila ang kapitbahay na may-ari kay Magda ngunit hindi sila nito pinakikinggan kaya naisipan na nilang idemanda ang mga ito.
Sa panayam sa lawyer ng mag-asawa na si Torsten Gieseke, hindi nababagay sa neighborhood ang isang hyper-active na manok na si Magda. Ayon sa kanilang pag-iimbestiga, ilang residente ng neighborhood ang umalis dahil sa ingay ni Magda. Sa kanilang imbestigasyon, umaabot ng 80 decibels ang pagtilaok ng manok. Maikukumpara ang ingay nito sa isang matrapik na kalsada.
Upang may maipakitang ebidensiya sa korte, nirekord ng mag-asawang Wilhelm ang pagtilaok ni Magda at ayon sa recording, tumitilaok nang mahigit 200 beses ang manok sa maghapon.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa ang hearing sa Lemgo District Court kung ano ang magiging hatol sa manok na si Magda.