UMPISA na ng school year 2022-2023 sa Lunes. Pagkaraan nang mahigit dalawang taon na sinagasaan ng pandemya, balik sa face-to-face classes ang mga eskuwelahan sa buong bansa. Tinatayang 20.62 milyong estudyante (mula sa public at private schools) ang nag-enrol. Ayon sa DepEd, papayagan pa rin ang blended learning mula Agosto 22 hanggang Oktubre 31. Pagsapit ng Nobyembre 2, ipatutupad na ang 100 percent face-to-face classes.
Nagkaroon ng Oplan Balik Eskuwela noong Lunes at 17 ahensiya ang nakiisa sa Department of Education (DepEd). Ilan sa mga nakiisa sa DepEd ay ang Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Department of National Defense, Department of Transportation, Department of Energy, Deparment of Science and Technology, Department of Interior and Local Government at iba pang tanggapan ng pamahalaan.
Handa na ang DepEd sa pagbubukas ng school year 2022-2023. Wala nang makapipigil kahit may mga grupo ng guro na humihiling kay Vice President at DepEd secretary Sara Duterte na i-postpone muna ang pasukan para magkaroon naman ng break ang mga guro.
Pero sabi ng vice president, hindi na maaaring ipagpaliban ang pagbubukas ng klase sapagkat naaprubahan na ito ni President Ferdinand Marcos Jr. at ang lahat nang paghahanda ay naisaayos na. Wala nang postponement sa pagbubukas ng klase sa Lunes at umaasa ang vice president na magiging matagumpay ito.
Isa sa nararapat na bantayan ng DepEd ay ang posible umanong pagdami ng kaso ng COVID sa pagbubukas ng F2F classes. Ayon sa OCTA Research Group, posible ang COVID outbreak pero mapipigilan naman umano ito kung susunod sa health protocols. Sinabi ng OCTA na hindi na magkakaroon ng surge ng COVID.
Mahalaga na bakunado na ang mga bata sa pagpasok sa Lunes, ganundin ang mga teachers na sana ay may booster shots na. Sabi ng DOH, magpapatuloy ang bakunahan sa school para ganap na maprotektahan ang mga bata.
Tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa Lunes hindi lamang sa COVID-19 kundi pati na rin sa mga kriminal na tiyak magbabalik din para makapambiktima.