LUMANG problema na ang baha sa Metro Manila. Dekada’70 pa ay marami nang umaangal sa perwisyong baha at hanggang ngayon, ito pa rin ang problema at walang magawang solusyon ang pamahalaan ukol dito. Kapag umulan, marami na ang kinakabahan, lalo ang taga-Maynila sapagkat pati silong ng kanilang bahay ay pinapasok ng baha.
Sa Sampaloc, Maynila, karaniwan na ang baha sa ganitong buwan. Walang natandaan na hindi bumaha sa Sampaloc. Kapag umapaw ang España Blvd. tiyak nang magiging lawa ang mga kalsada sa Sampaloc. Marami na naman ang maglilimas ng tubig-baha na pumasok sa kani-kanilang mga bahay. Ang nakadidiri, hindi lamang tubig ang pumasok sa bahay kundi pati na rin ang mga basura at nakadidiring dumi.
Noong nakaraang Agosto 5, nagmistulang mala-king parking area ang Taft Avenue at Kalaw St. Ang dahilan: hindi makalampas sa hanggang hita na baha ang mga maliliit na sasakyan. Napilitang maglakad sa baha ang mga pasahero sapagkat wala nang pumapasadang dyipni at maski mga taksi.
Itinuturong dahilan nang pagbaha sa mga kalsada sa Maynila ay ang Dolomite beach na proyekto ng nakaraang administrasyon. Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), nagsaayos at naglinis na sila ng mga drainages at iba pang daluyan ng tubig baha kaya nakapagtataka kung bakit mabagal ang pagbaba ng tubig.
Itinanggi naman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na ang Dolomite beach ang dahilan nang pagbaha sa Maynila at iba pang lungsod.
Mahusay magturuan at magsisihan ang mga opisyal ng pamahalaan kapag nangyari na ang problema. Para mailigtas ang sarili, gagawa ng kung anu-anong dahilan at maninisi.
Kung nagawa na ng DPWH at MMDA ang kanilang tungkulin, bakit patuloy ang pagbaha sa Metro Manila? Bakit walang pagbabago? Bakit patuloy ang perwisyong baha?
Hindi kaya basurang plastic ang dahilan kaya ayaw bumaba ang tubig-baha? Nararapat alamin ang dahilan ng problema at lapatan ng solusyon. Maawa sa mga taga-Metro Manila na madalas sinasalanta ng baha. Panahon na para wakasan ang perwisyong baha.