MAY pangako ang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Gen. Rodolfo Azurin Jr.—tutuldukan daw niya ang “palakasan system’’ sa pinamumunuang organisasyon. Ma-riing sinabi ni Azurin na nararapat nang wakasan ang umiiral na palakasan system sa pagtatalaga at promosyon ng mga opisyal ng pulisya. Si Azurin ang unang PNP chief sa termino ni President Ferdinand Marcos Jr. Nagtapos siya sa Philippine Military Academy (PMA).
Marami nang naging PNP chief mula nang maitatag ang pambansang pulisya noong Enero 29, 1991 at ngayon lamang may nangako na tutuldukan ang “palakasan system”. Kapag natupad ni Azurin ang kanyang pangakong ito, siya na ang pinakamahusay at pinakamatapang na hepe ng PNP sa kasaysayan. Tiyak na marami ang hahanga sa kanya kapag naisakatuparan ang pagwasak sa “palakasan system”. Hindi siya malilimutan kapag natupad ang kanyang pangako.
Sinabi ni Azurin na iiral ang tama sa promosyon at pagtatalaga sa posisyon. Nararapat mauna ang seniority at kakayahan ng police officers. Inatasan na umano niya ang Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) na gumawa ng long term plan sa nasabing programa. Ayon kay Azurin, dapat magkaroon ang DPRM ng five year recruitment, promotion and retirement plan.
Noon pa namamayani ang “palakasan system” sa PNP kung saan ang mga napo-promote ay may backers na maimpluwensiyang opisyal o pulitiko. Dahil sa ganitong masamang sistema, maraming kuwalipikado at may karanasan ang naba-bypassed at ang napupuwesto ay ang may maimpluwensiyang backers.
Ang “palakasan system” ang sumisira sa imahe ng PNP. Kapag nakagawa ng kapalpakan ang police official na may backers, dito na nagkakaroon ng pagkasira ang PNP sapagkat ibabalik muli sa serbisyo. Isinuka na pero ibinalik dahil malakas ang kapit.
Karamihan sa mga may backers ang karaniwang abusado, tamad, iresponsable at kung anu-ano pang kaangasan, dahil mayroon silang pinagmamala-king maimpluwensiyang opisyal. Sana, maputol ni Azurin ang “palakasan system’’ at mawakasan din ang pamamayagpag ng scalawags sa PNP. Nararapat maibalik ang tiwala ng taumbayan sa PNP.