Kasiguruhan sa health insurance
SA panahon ng pandemya o kahit noong bago ito nangyari, naging malaking bagay ang mga health insurance para madaling makapagpagamot kapag nagkakasakit ang mga merong ganitong seguro. Hindi magiging problema ang mga gastos sa pagpapaospital. Marami na ring mga kompanya ang nagbibigay ng ganitong benepisyo sa kanilang mga empleyado na kahit ang mga pamilya nila ay maaaring masaklaw ng kanilang health insurance. Maging ang pamahalaan ay nagkakaloob ng ganitong segurong pangkalusugan sa lahat ng mga mamamayan sa pamamagitan ng PhilHealth. Sa mga panahon ng medical emergency at walang nakahandang pambayad sa ospital ang pasyente, nagiging malaking kaluwagan sa kanya ang health insurance kung meron siya nito.
Pero ang health insurance ay masasabing isa lamang suporta sa pagpapagamot ng taong nagkakasakit. Instrumento ito para makagamit ng mga makabagong teknolohiya sa medisina ang isang pasyente para magamot. Depende sa plano, sinasagot ng mga insurance na ito ang mga pagpapaospital, operasyon at laboratory test na kailangang daanan ng pasyente tulad ng x-ray, ct scan, ultrasound, iba’t ibang klase ng blood test, echocardiogram, dialysis, colonoscopy, chemotherapy at iba pang medical procedures.
Kung tutuusin, mas lalong dapat nahihimok ang isang merong health insurance na makapagpatingin sa doktor kahit isa o dalawang beses sa isang taon para matingnan ang kalagayan ng kanyang kalusugan. Kahit wala siyang nararamdamang masama. Sa ganitong paraan ay matutukoy nang mas maaga ang anumang sakit na maaaring nagsisimulang umusbong sa kanyang katawan.
Walang magagawa ang health insurance kung ang gumagamit nito ay magpapabaya sa kanyang kalusugan o walang sinusunod na healthy lifestyle, merong mga bisyo na nakakasama sa kanyang katawan, hindi umiinom ng kailangang gamot, at hindi sinusunod ang bilin ng doktor. Sa pandemya ngayon halimbawa, kahit gumaling ka sa sakit na COVID-19 sa tulong ng health insurance, malaki pa rin ang banta na muli kang mahawahan ng ganitong sakit kung hindi ka sumusunod sa mga health protocol tulad ng pagsusuot ng face mask at pagpapabakuna. Marami na ngang kaso na ang mga dating gumaling sa COVID-19 ay muling nahawahan.
Sa mga tao na merong health insurance, isa itong magandang oportunidad para mapag-ukulan nila ng panahon ang kanilang kalusugan hangga’t maaga. May mga sakit na hindi agad nagpapakita ng sintomas at mararamdaman lang ito kapag grabe na kaya nga ipinapayo ng mga eksperto sa kalusugan ang regular na pagpapa-check up sa mangagamot. Mas mainam na sinasamantala ang health insurance para mapangalagaang mabuti ang kalusugan.
Pero, meron mang health insurance o wala, mahalaga pa rin ang pagkakaroon ng healthy lifestyle. Ang pag-eehersisyo halimbawa; pagkain ng mas maraming gulay at prutas; at pagbawas kundi man makaiwas sa mga pagkaing maraming taba, mamantika, maaalat at matatamis.
Email: [email protected]
- Latest