‘No contact apprehension’, lumalawak na

Maraming  lungsod na sa Metro Manila ang nagpa­patupad na rin sa kanilang mga lugar ng ‘no contact apprehension’ policy.

Ang programang ito kasi ay naglalayong madisiplina ang mga motorista may nakakakita o may sumisita man o wala, kailangan nilang sumunod sa batas trapiko.

Layon din nito na maiwasan ang kotongan sa lansangan sa mga abusadong traffic enforcers.

Dahil nga sa mga ikinalat na CCTV sa mga pangunahing lansangan kung saan ipinaiiral ang ‘no contact apprehension’, eh talagang kapansin-pansin din na tila nabawasan na ang traffic enforcers.

Pero eto, meron pa ring nasusumpungan na tila lumulusot.

Alam na alam ang pakay, hindi para magpatupad ng batas trapiko kundi para mangotong.

Bakit kamo, aba’y kontodo tago sa madidilim na lugar ang mga enforcers na ito. Bigla-bigla na lamang susulpot at lulutang paparahin ang kanilang mabibitag.

Hindi tulad sa mga motorista na kahit walang bantay nakatitig naman sa kanilang paglabag ang mga nakakalat na camera, sa mga pasaway na enforcers naman pwedeng lumusot kasi alam nila kung saan sila pupuwesto na walang camera.

Mangilan-ngilan  lang naman ‘yan, na marahil eh matindi ang pangangailangan. Lagot lang kayo dahil wala mang CCTV dyan, marunong na ang maraming netizen na nakahanda na ang kanilang cellphone sa mga kaganapan.

Malaking bagay ang policy na ito, dahil natuturuan din ang motorista na maging disiplinado sa kalsada.

Aba’y kung magbarumbado sila at walang respeto sa batas trapiko, makukunan ka ng CCTV. Darating na lang sa bahay mo ang resibo ng mga paglabag na kailangan mong bayaran.

Kung maraming kuha sa yong paglabag, maghanda ka na nang pambayad.

Pasasaan ba’t kapag nagtagal, masasanay na ring sumunod ang mga motorista may nakakakita man o wala.

Pero  may giit din ang mga motorista , kung  tuluyan nang ipapatupad ang ‘no  contact apprehension’ sa mas malawak pang lugar, unahin na rin umano na maasikaso ang mga dispalinghadong stop light na tila  naman sinasadya ang biglang pag-stop na siya namang ikinalilito ng maraming motorista.

 

Show comments