ISANG grupo ng mga mababangis na unggoy ang umaatake sa mga residente ng isang siyudad sa Japan!
Naiulat na nagsimula ang pag-atake ng mga unggoy sa Yamaguchi city noong unang linggo ng Hulyo kung saan pinasok ng Macaque monkey ang isang tahanan at kinalmot nito ang sanggol na nakatira rito.
Simula noon, nagsunud-sunod na ang mga kaso ng pag-atake ng mga unggoy sa mga residential area. Kahit na maituturing na minor injuries lamang ang mga natamong kagat at kalmot ng mga biktima, ikinabahala ito ng mga awtoridad ng Yamaguchi. Sa loob ng tatlong linggo, nakapagtala na ang Yamaguchi city police ng 50 monkey related attacks.
Ayon sa mga awtoridad, napapalibutan ng mga bundok ang Yamaguchi at pangkaraniwan nang makakita ng unggoy sa kanilang siyudad ngunit ngayon lamang nangyari ang mababangis na pag-atake ng mga ito sa mga residente.
Upang matigil na ang pag-atake, kumuha ang siyudad ng specially commissioned hunters na huhuli sa mga unggoy gamit ang tranquiliser gun. Nito lamang Hulyo 27, may nahuling Macaque monkey na pinaghihinalaang isa sa mga unggoy na umaatake sa mga residente.
Ngunit kahit may nahuli ng unggoy, patuloy pa rin sa pag-iingat ang mga residente ng Yamaguchi city dahil naniniwala sila na marami pang mabangis na unggoy ang pakalat-kalat sa kanilang siyudad.