MATINDING pagbaha ang nararanasan sa malaking bahagi ng bansa partikular sa Metro Manila nitong nakalipas na mga araw.
Ito ay sa kabila ng hindi namang kalakasang pag-ulan.
Maraming lugar na dati eh hindi naman binabaha ngayon eh madalas na hindi madaanan dahil sa biglaang pagtaas ng tubig.
Nakikitang dahilan dito ay ang mga baradong daluyang tubig.
Nagbabara dahil sa matinding basura.
Ga-bundok na basura ang siyang sanhi kaya konting pag-ulan lamang nalulubog ang maraming lugar sa Metro Manila.
Matindi talaga ang naglulutangang basura na siyang bumabara sa mga daluyang tubig kaya mabilis ang pagtaas.
Isama pa dyan ang hindi kahandaan ng mga kinauukulan partikular ng mga local government units na malinis ang kani-kanilang drainage system.
Naaalala lamang ito kapag nandyan na ang matitinding pagbaha.
Ang mga estero ni hindi nalilinisan kahit hindi na nadadaluyan ng tubig dahil sa tambak ng basura .
Pagdating sa pagtatapon ng basura sa tamang lugar dyan maraming Pinoy ang nagiging pasaway.
Talaga naman, lalu na ang mga nakatira malapit sa mga ilog at estero. Ginagawang tapunan ng basura ang daluyan ng tubig, makikita naman ang ebidensya talagang walang disilpina.
Sana ito ang natututukan ng mga opisyal sa lokal na pamahalaan bago pa mahuli ang lahat.
Baka hindi pa lang napapansin, palala nang palala ang nagiging problema sa pagbaha. Hindi dahil sa walang tigil at malalakas na pag-ulan kundi talagang nahaharangan o nababarahan na talaga ang mga daluyang tubig.
Dapat na magkaroon nang malawakang kampanya ukol sa paglilinis ng drainage system, mga kanal at estero ang mga lokal na pamahalaan.
Dapat siguro magkaroon ng ngipin ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan para masampolan ang mga nagtatapon ng basura sa hindi tamang mga lugar.