Puwede bang kasuhan ng concubinage ang asawang nakabuntis ng iba?

Dear Attorney,

Maari bang kasuhan ng concubinage ang asawa ng aking pinsan na nakabuntis ng ibang babae? — Rina

Dear Rina,

Ang concubinage ay krimen na pinarurusahan sa ­ilalim ng Revised Penal Code. Ang isang lalaking may-asawa ay maparurusahan para sa krimen ng concubinage kung (1) ibinahay niya ang kanyang kabit sa tahanan nila ng kanyang asawa; (2) nagkaroon siya ng sekswal na relasyon na masasabing eskandaloso; o (3) ibinahay niya ang kanyang kabit sa ibang bahay at nagpakilala o namuhay sila bilang mag-asawa.

Mapapansin mo na wala sa mga nabanggit na elemento ng concubinage ang pagkakaroon ng anak sa ibang babae kaya kung ang pagbabasehan lamang ay ang iyong tanong ay hindi kaagad masasabi kung maari bang kasuhan ang asawa ng pinsan mo ng concubinage. Hindi maaring ang pagkakaroon niya ng anak sa ibang babae ang tanging ebidensya n’yo kung kayo ay maghahain ng reklamo para sa salang concubinage.

Kailangan n’yo pa rin ng ibang pruweba na patungkol sa mga aktwal na elemento ng concubinage katulad ng mga litrato o testimonya na magsasabing ibinabahay niya ang kanyang kabit o nakipagtalik siya rito sa maeskandalosong pamamaraan.

Hindi naman ibig sabihin nito na wala nang maaring isampang kaso laban sa asawa ng pinsan mo. Maari n’yo siyang sampahan ng kriminal na kaso sa ilalim ng Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act  para sa psychological violence na dulot ng kanyang pakiki­pagrelasyon sa iba.

Show comments