NAKATANGGAP ng Guinness World Record title ang isang jewelry company sa India dahil sa ginawa nilang singsing na may nakadikit na 24,697 piraso ng diamonds.
Inanunsyo ng Guinness noong HulyO 15 na ang jewelry company na SWA Diamonds ang bagong record holder sa titulong “Most diamonds set on one ring”.
Tinawag ng SWA Diamonds ang kanilang likhang singsing na “Ami” na ang ibig sabihin mula sa Sanskrit ay “Immortality”.
Ayon sa managing director ng SWA Diamonds, ginawa nila ang singsing para makilala ang kanilang brand sa buong mundo. Naisipan ng designer ng singsing na ihalintulad ang hugis sa isang pink oyster mushroom. Nire-represent kasi ng nasabing mushroom ang immortality at longetivity.
Gamit ang natural diamonds na sinertipika ng Kimberley Process Certification Scheme, isa-isang dinikit ang diamonds sa gold ring na hugis oyster mushroom. Matapos magawa ang singsing, ipinasuri ito ng Guinness sa IGI (International Gemological Institute Lab) para bilangin kung gaano karami ang diamonds gamit ang state of the art microscope.
Umabot sa 24,697 diamonds ang nabilang ng IGI at may bigat itong 340 grams. Nagkakahalaga ang singsing ng $95,000.