EDITORYAL - Mga sumisira sa kalikasan, sampolan

SI Maria Antonia “Toni’’ Yulo-Loyzaga ang bagong kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Kilala siyang climate change advocate. Dati siyang director ng Manila Observatory at technical adviser ng Philippine Disaster Resillience Foundation. Si Loyzaga ang ikalawang babaing DENR secretary. Una ay si Gina Lopez na naging DENR chief sa termino ni President Rodrigo Duterte.

Sa pag-upo ni Loyzaga sa DENR, marami siyang kahaharaping pagsubok at ilan dito ay ang paglaban sa mga sumisira sa kapaligiran at likas na yaman. Kabilang dito ang mga salot na nag-ooperate ng illegal mining at quarrying; problema sa air, water at plastic pollution at kasama na rito ang hindi masolusyunang problema sa basura na nagdudulot ng pagbaha.

Haharapin niya ang walang patumanggang pagsira sa kabundukan at watershed na malaking banta ngayon sa maraming bahagi ng bansa. Ang Masungi watershed sa Marikina ay unti-unting winasak ng mga quarrying companies. Kapag hindi napigilan ang mga quarrying companies na ito na pag-aari umano ng mga pulitiko, babaha sa Metro Manila.

Inalis ng nakaraang administrasyon ang ban sa open-pit mining. Ngayon ay nakakatakot ang magi­ging itsura ng mga bundok na bubutasin. Ang pagbutas sa mga bundok ang dahilan ng landslide. Inililibing nang buhay ang mga taong nasa paanan ng bundok.

Ikatlo ang Pilipinas sa mga bansa sa mundo na kilalang plastic polluter. Araw-araw, tone-toneladang plastic ang itinatapon sa mga estero at sapa at saka hahantong sa Manila Bay. Sinisira ng mga plastic na ito ang yamang-dagat at pinapatay ang mga balyena. Kinakain ng mga balyena ang plastic at iba pang basurang itinapon sa dagat.

Sabi ni President Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang inaugural address noong Hunyo 30, hindi tatalikuran ng kanyang administrasyon ang problema sa plastic pollution. Lilinisin ang mga plastic sa sapa, ilog at karagatan.

Nagbabala kamakailan ang coalition ng environmental groups na kung hindi gagawa ng paraan ang pamahalaan para mabawasan ang paggamit ng single-use plastic, aapaw ang may 59.7 bilyong sachets sa Metro Manila.

Mabigat ang mga kahaharapin ni Loyzaga bilang DENR chief. Naniniwala kami na kaya niya itong gampanan. Kailangang masolusyunan ang mga problemang may kaugnayan sa pagkasira ng kalikasan. Simulan na niya ito para mailigtas ang bansa. Sampolan ang mga salot sa kalikasan at kapaligiran.

Show comments