Tinedyer sa U.S., nakabingwit ng hito na kulay puti!

ISANG 15-anyos na high school student sa Tennessee ang nakahuli ng rare white catfish!

Sa ulat ng Tennessee Wildlife Resources Agency, sumali ang tinedyer na si Edwards Tarumianz sa fishing trip ng grupong Scenic City Fishing Charters noong nakaraang ­Hunyo 28 nang mahuli nito ang kakaibang hito na blue catfish o kilala sa scientific name na Ictalurus furcatus.

Ang pangkaraniwan na blue catfish ay kulay bluish grey ngunit ang specimen na nahuli ni Edwards ay kulay puti at may bahagi ito na kulay light pink.

Ayon sa kapitan ng fishing trip na si Richard Simms, isang pambihirang pangyayari ang pagkakahuli ni Edwards sa rare white catfish. Ilang dekada na siyang nangingisda ng mga hito ngunit ngayon lamang siya nakakita ng ganitong klaseng isda. 

May haka-haka si Simms na ang kakaibang isda ay isang Leucastic catfish, isang kondisyon na nakikita sa mga hayop kung saan maputla ang kulay ng buong katawan nito. Isa rin na maaaring dahilan ay may albinism ang hito.

Matapos magpakuha ng litrato ni Edwards kasama ang nahuli niyang rare white catfish, nagpasya ito na ibalik muli ito sa tubig. Maraming humangang netizens kay Edwards dahil sa desisyon nito na pakawalan ang hito.

 

Show comments