Dear Attorney,
May “time limit” po ba ang pagsasampa ng illegal dismissal laban sa employer? Tatlong taon na po kasi mula noong tinanggal ako sa trabaho ng walang sapat na dahilan. Salamat po. —Pablo
Dear Pablo,
Oo, may “time limit” ang pagsasampa ng kaso ng illegal dismissal. Ayon sa Korte Suprema, isang paglabag sa karapatan ang illegal dismissal kaya ang nakasaad sa Article 1146 ng Civil Code ang dapat sundin ukol sa isyu ng kung hanggang kailan maaring isampa ang isang demanda para sa reklamo ng illegal dismissal.
Nakasaad sa Article 1146 na kailangang maisampa sa loob ng apat (4) na taon ang mga aksyon o demanda para sa mga kasong may kinalaman sa paglabag sa karapatan ng iba. Dahil ang employment o hanapbuhay ay masasabing isang “property right,” ang illegal dismissal o pagtanggal sa isang empleyado ng walang sapat na dahilan ay isang paraan ng paglabag sa karapatan ng iba.
Base sa nabanggit, may apat na taon ka mula sa iyong pagkakatanggal sa trabaho para makapagsampa ng reklamong illegal dismissal laban sa iyong employer. Kung ayon sa iyo ay tatlong taon na ang nakalilipas mula nang ikaw ay tanggalin sa trabaho ng iyong employer, may natitira pang isang taon para ikaw ay makapag-demanda.