Halaga ng anti-virus software

ISA sa mga mahahalagang  rekisitos sa paggamit ng isang computer ang pagkakaroon nito ng antivirus program dahil sa mga banta mula sa mga virus na maaaring makuha kapag nagbubukas ng internet o naglilipat ng mga files sa computer mula sa ibang source tulad ng USB flash drive, smartphone,  o ibang storage device.

Maraming nagkalat na anti-virus software na mapagpipi-lian at mabibili sa mga pamilihan pero meron din namang nada-‘download’ sa internet. May mga software o program pa nga na merong expiration date kaya bibili ka naman ng bago nito kapag expired na. Ito ay dahil sa patuloy na paglilitawan ng mga bagong virus. Gayunman, may mga antivirus program na nakakasira at nagbubura ng mga files kahit ligtas ito at hindi naman  talaga virus. Hindi accurate ang pagkilala nila kung virus o hindi ang isang file o data o program.

Kaya isang kagandahan sa computer na gumagamit ng operating system na Windows 10 ay meron na itong sariling Defender o Security na dahilan para hindi na mag-install  dito ng iba o hiwalay na antivirus software. Maging ang mga Mac computer ay gumagamit na rin ng ganitong Defender. Gayunman, magkakaiba ang opinyon ng mga computer expert hinggil dito. May nagsasabing hindi na kailangang magpakabit ng ibang anti-virus software pero may nagmumungkahing kailangan pa ring gumamit ng ganitong program.

Ilang eksperto naman ang nagbabala na hindi dapat maging palaasa sa mga anti-virus software dahil patuloy na nagkakaroon ng mga bagong virus  sa mga computer. Kailangang maging maingat ang mga gumagamit ng mga device na ito.

Isang digital  forensic expert at professor ng Marshall University sa West Virginia (United States) na si Josh Brunty ang nagkomento sa isang ulat ng El Pais na ang pagbili ng isang antivirus program ay hindi nangangahulugang ganap ka nang protektado. Inayunan ito ni Ángela García Valdés, Cybersecurity Technician at Citizens ng  National Institute of Cybersecurity (INCIBE) ng Spain bagaman iginigiit niya na dapat merong antivirus sa lahat ng mga device tulad ng smartphone at smartTV. Inirekomenda ni Valdes ang paggamit ng mga password na napakahirap hulaan,  tw-factor verification, pagda-download lang ng mga application mula sa mga official store tulad ng Play Store at App Store at iwasan ang mga website na hindi mapapanaligan.

Ilang eksperto ang naniniwalang ang mga built-in security systems ng mga devices  tulad ng Windows Defender ay sapat na hangga’t ang gumagamit ay gumagawa ng mga kaukulang safety measures. Hindi anila mahalagang mag-install ng isang third-party antivirus software. Ang pinakamahalaga ay maunawaan ang  mga banta.

Sabi pa  ni Brunty, sa pagkuha sa serbisyo ng isang anti-virus program, “you may be duplicating what you already have, something that is already integrated, as in the case of Defender, at least if it is activated properly.”

Pero, ayon sa El Pais, iginigiit ng mga antivirus software companies na ang kanilang mga produkto ay nagdadagdag ng layers ng security sa mga operating system na meron nang sariling antivirus program.

Binanggit naman ni Valdes ng INCIBE na ang mga antivirus ay nagbibigay ng maraming serbisyo. Nagsisilbi silang firewall, anti-spam filter, at pinagaganda ang performance ng computer. Meron namang nakakapag-analisa sa  web addresses at may kasamang parental control tools.

 

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments