MARAMING estudyanteng Pinoy ang salat sa kaalaman. Lumutang na maraming bata ngayon na edad 8-9 ang hindi pa marunong bumasa at sumulat. Lumala ito nang maging online ang sistema ng edukasyon dahil sa pandemya.
Nakita rin ang kahinaan sa Science at Math ng mga Pilipinong estudyante. Sa simpleng Math, hindi na makaunawa ang karamihan. Sa larangan ng Science, hindi makausad. Kaya kapag lumaban sa kumpe-tisyon sa mga nasabing larangan sa ibang bansa, hindi makausad ang mga estudyanteng Pinoy. Mababa ang nakukuhang grado o puwesto.
Noong Disyembre 2020, pinakamababa ang nakuha ng mga estudyanteng Pinoy sa idinaos na international assessment for Mathematics and Science para sa Grade 4 na tinawag na Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS).
Sa 58 bansa na naki-participate, pinakamababa ang score ng Pilipinas. Nakakuha lamang ng 297 sa Mathematics at 249 sa Science. Nanguna naman ang Si-ngapore na may score na 625 sa Math at 595 sa Science.
Ganito rin ang lumalabas na assessment ng World Bank sa mga estudyanteng Pinoy—mahina sa Math at Science. Ayon sa WB, isa sa apat na Grade 5 students ay salat sa Mathematics skill at apat sa limang 15-taong gulang na estudyante ay hindi makaintindi ng basic Mathematical concepts gaya ng fraction at decimals. Ayon sa WB, maaaring ang problemang ito ay dahil sa nararanasang gutom ng estudyante, kakulangan ng pasilidad, bullying at iba pang safety issues.
Ilan lamang ang mga ito sa problema ng edukasyon sa bansa na nararapat na tuunan ng pansin ni Vice President at DepEd secretary Sara Duterte. Pormal nang naupo noong Lunes si Sara bilang DepEd secretary.
Nararapat alamin ni Sara ang mga dahilan kung bakit nangungulelat ang mga estudyante. Bukod sa kahinaan ng mga estudyante, tutukan ang problema sa kakulangan ng mga mahuhusay na guro. Bigyang pansin ang problema ng mga guro ukol sa kanilang suweldo na hindi nadadagdagan. Nararapat ding masuri ang textbooks ng mga estudyante na tadtad ng mga maling impormasyon. Ilang taon na ang nakararaan, naging kontrobersiyal ang mga maling grammar sa ginagamit na textbook ng mga nasa high school students. Noong 2020, nabulgar ang mga bastos na salita sa librong ginagamit ng senior high school.
Kailangan makatamo na may kalidad na edukasyon ang mga bata. Walang dapat maiwan sa kangkungan o kamotehan. Tutukan sana ng bagong DepEd secretary ang isyung ito.