Dear Attorney,
Nag-aalala po ang kaibigan ko na makasuhan. Natuklasan kasi niya kamakailan lang na may nauna ng pinakasalan ang kanyang asawa at hindi pa raw ito napawalang-bisa noong sila ay ikinasal. Makakasuhan ba siya ng bigamy kahit wala siyang kaalam-alam na kasal pa pala yung asawa niya noong ikinasal sila? —Alice
Dear Alice,
Ayon sa desisyon ng Korte Supreme sa Santiago v. People (G.R. No. 200233, 15 July 2015), hindi kaagad dapat ituring na parehong may sala ang dalawang indibidwal na ikinasal habang ang isa sa kanila ay kasal pa sa iba. Maari kasing biktima rin ang ikalawang asawa kung hindi naman niya alam na kasal pa pala sa iba ang kanyang pinakasalan, ayon sa People v. Nepomuceno, Jr. (G.R. No. L-40624 June 27, 1975).
Sa madaling sabi, maari lamang mahatulang may sala sa kasong bigamy ang iyong kaibigan kung alam niyang may nauna nang pinakasalan ang kanyang asawa.
Krimen kasi sa ilalim ng Revised Penal Code ang bigamy kaya kailangang mapatunayan ang criminal intent o pagkakaroon ng intensyon ng akusado na gawin ang krimen. Kung mapatunayan ng kaibigan mo na wala siyang kaalam-alam ukol sa naunang kasal ng kanyang asawa noong sila ay ikinasal, katulad ng binanggit mo, ay maari niya itong gamiting depensa upang siya ay mapawalang-sala sakaling kasama siya sa demanda.