NAGPAPAKITA na ng sigasig si incoming BIR chief Lilia Guillermo. Marami na agad siyang pinaplano sa pag-upo—unang-una na ay pagkolekta ng buwis. Nais niyang maging maayos ang koleksiyon. Nagpahiwatig si Guillermo na sisingilin niya ang mga pagkakautang o ang mga hindi nagbabayad ng buwis.
Kapag naisakatuparan ni Guillermo ang kanyang mga balak, hindi nagkamali si president-elect Ferdinand Marcos Jr. sa pagpili sa kanya para pamunuan ang BIR. Taglay ni Guillermo ang katangian ng isang pinuno na mag-aangat sa kalagayan ng bansa ukol sa pananalapi. Magiging mahusay siya sa pagpapatakbo ng tanggapan na may kinalaman sa pagkolekta ng buwis. Kung mahusay at may angking talino ang mamumuno sa BIR, nakatitiyak na makakaipon nang maraming pondo ang bansa at makakamit ang pag-unlad.
Una nang sinabi ni Marcos—bago pa man niya hinirang si Guillermo, na nararapat na mabantayan at matutukan ang mga ahensiya ng pamahalaan na kumokolekta ng buwis. Binanggit niya ang BIR at ang Bureau of Customs. Dito nanggagaling ang pera na ginagamit ng bansa kaya nararapat na pangalagaan.
Malawak ang karanasan ni Guillermo. Naging opisyal na siya ng BIR noon. Nagtrabaho sa Department of Budget and Management at ang pinakahuli ay sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Ang kahusayan ni Guillermo sa pagkolekta ng buwis ay pinatotohanan ni incoming Finance Sec. Benjamin Diokno.
Isa sa mga ipinangako ni Guillermo kapag nakaupo na sa BIR ay ang makolekta ang estate tax ng mga Marcoses. Sa pinakahuling pagtaya sa estates ng Marcoses, lumalabas na umabot na ito sa P203 bilyon. Kukumbinsihin umano niya si Marcos Jr. na i-settle ang arrears at maging halimbawa sa taxpayers. Personal umano niyang kakausapin si Marcos sa isyu ng hindi nababayarang estate tax.
Siguradong uunlad ang bansa at tatatag ang ekonomiya kapag naging maayos ang koleksiyon ng tax. Bukod sa utang ng mga Marcos, magpopokus din si Guillermo sa iba pang hindi nagbabayad ng tax. Maraming tax evaders at nagagawa nila ito dahil sa pakikipagsabwatan sa mga corrupt sa BIR. Puputulin ni Guillemo ang “pangil” ng mga corrupt.