EDITORYAL - Matyagan, mga ‘buwaya’ sa tanggapan ng pamahalaan
TALAMAK ang korapsiyon sa mga tanggapan ng pamahalaan. Kahit nagbabala ang papaalis nang si President Duterte na makaamoy lamang siya ng korapsiyon sa tanggapan ay tatanggalin agad niya sa puwesto ang sangkot na opisyal. Pero hindi natakot ang mga korap at nagpatuloy pa sa pangungurakot.
Katulad ng Bureau of Immigration (BI) na maraming “buwaya” at labis na natakawan sa “pastillas”. Noong Huwebes, 45 Immigration officials ang sinibak sa puwesto dahil sa pagkakasangkot sa ‘‘pastillas scam’’. Tinawag na “pastillas” ang modus dahil ang perang ipinangsusuhol ay nakabilot na hawig sa “pastillas”. Tinatayang P40 bilyon ang naibubulsa ng mga korap sa BI dahil sa visa-upon-arrival (VUA) policy. Sa ‘‘pastillas scam’’, lahat nang Chinese nationals na hindi nag-avail ng VUA system ay magbabayad ng P10,000 sa Immigration para makapasok nang walang problema. Nararapat bantayan ang BI.
Isang tagumpay din naman sana kung napanagot ang mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Inc. at mga opisyal ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM). Nakuha ng Pharmally ang kontratang P42-bilyon PS-DBM sa kabila na ang capital nila ay P625,000 lamang.
Sa Bureau of Customs (BOC) ay marami ring corrupt officials na dapat ay nakapagsampol din si President Duterte gaya sa BI. Talamak ang smuggling at nalulugi ang pamahalaan sapagkat walang nakukulektang buwis. Bumabaha ang mga smuggled vegetable products dahil sa kutsabahan ng mga corrupt sa BOC at Department of Agriculture.
Talamak ang korapsiyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Nakikita ang katiwalian sa sira-sirang kalsada gayung kagagawa lang. Tinipid ang semento. Marami ring sinisirang kalsada kahit hindi pa sira.
Patuloy din ang korapsiyon sa Bureau of Internal Revenue (BIR) kaya nakakahulagpos ang tax evaders. Hindi naman mangangahas ang mga mandaraya sa buwis kung wala silang kakutsaba sa BIR. Ang resulta, kulang ang koleksiyon sapagkat sa bulsa ng mga korap tumutuloy.
Marami ring katiwalian sa Department of Education (DepEd) at alam ito ni Sec. Leonor Briones. Inamin ni Briones na may mga katiwaliang nangyayari sa kanyang tanggapan at ito ang dahilan kung bakit napagkakaitan ng edukasyon ang maraming kabataan.
Matyagan pa ang mga ‘‘buwaya’’ sa tanggapan ng pamahalaan. Sila ang dahilan kung bakit naghihikahos ang bansa at lubog sa utang.
- Latest