Pagkakaisa: Slogan ba o pangako?
TATLUMPU’T isang milyong Pilipino ang naniwala sa campaign slogan ni BBM na pagkakaisa kaya siya’y nanalo sa isa sa pinakamalaking lamang sa kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas. Ibig sabihin, pagkakaisa ang unang hinahangad ng nakararaming Pilipino, higit kaysa usapin ng katiwalian at katarungan.
Nitong nakaraang eleksyon, lalong tumingkad ang pagkakahati-hati ng mga Pilipino: pula, dilaw, rosas, berde—bawat isa’y may kinabibilangang kulay na magkakatunggali sa pinaniniwalaan at pinaninindigan. Ang iba’t ibang rehiyon ng bansa ay magkakalaban: North versus South. Ang iba’t ibang organisasyon at simbahan ay may magkakasalungat na posisyon. Ang totoo, maging sa loob ng iisang pamilya ay nagkaroon ng salungatan kundi man awayan.
Tayo’y isang lipunang malalim ang pagkakawatak-watak. Kung ito’y magpapatuloy, wala tayong ibang kahihinatnan kundi ang pagkawasak. Si Hesus mismo ang nagsabi sa Mateo 12:25, “Ang bawat kahariang nahahati laban sa kanyang sarili ay mawawasak; at ang bawat lunsod o bahay na nahahati laban sa kanyang sarili ay hindi makakatayo.”
Mas madali pa sigurong paunlarin ang mga kanayunan kaysa pagkaisahin ang mga Pilipino. Para magtagumpay, hindi puwedeng ang pagkakaisa ng mga Pilipino’y maging isang campaign slogan lamang ni BBM. Kailangang ito ang magpaapoy sa kanyang puso, isip at kaluluwa. Kailangang ito ang kanyang maging consuming passion, ang dahilan kung bakit siya bumabangon sa tuwing umaga.
Upang yakapin ng buong sambayanang Pilipino, at hindi lamang ng mga bumoto kay BBM, ang isusulong niyang pagkakaisa ay kailangang nakasalig sa katotohanan at katarungan. Ang pagkakaisang nakulapulan ng kasinungalingan ay walang malayong mararating. Ang pagkakaisang nabahiran ng kawalang-katarungan ay mabubuwag sa lalong madaling panahon. Wika ng English writer na si John Trapp, “Ang pagkakaisang hindi nakasalig sa tamang prinsipyo at paniniwala ay isang uri ng masamang pagsasabwatan.”
Maraming sakripisyong personal ang hihingin kay BBM kung talagang seryoso siya sa layuning pagkaisahin ang mga Pilipino. Kailangang maging handa siya para itama ang mga pagkakamali ng kahapon, maging determinado para ipakita ang mapagpalayang kapangyarihan ng pagpapakumbaba at pagpapatawad. Kailangan siyang maging isang lider na naglilingkod sa halip na pinaglilingkuran.
Pagkatapos ng malungkot na karanasan ng Pilipinas sa ilalim ng dalawang dekada ng batas militar sa pamumuno ng kanyang amang si Presidente Ferdinand Marcos, si Marcos, Jr. o BBM ay binigyan ng pagkakataon ng sambayanang Pilipino na ibangon hindi lamang ang dangal ng kanyang pamilya, kundi maging ang dangal ng Pilipinas. Bibihira ang pinagkakalooban ng ganitong ikalawang pagkakataon kung kaya hindi niya ito dapat sayangin. May pagkakataon si BBM upang maging isang dakilang lider ng Pilipinas. Wika nga ng makatang si Horace, “carpe diem,” samantalahin ang pagkakataon, ngayon na, sapagkat maaaring hindi na ito muling bumalik.
Kapag nagsimula nang manungkulan si BBM bilang Presidente ng Republika ng Pilipinas sa darating na buwan, kritikal ang hakbang na kanyang gagawin sa bawat araw. Kailangang ang itinatanong niya sa bawat desisyon at hakbang na kanyang gagawin ay ito: makatutulong ba ito sa pagkakaisa ng Pilipinas? Ang kanyang “campaign slogan” ay kailangang gawin niyang isang “total commitment,” isang sagradong pangakong tutuparin at hindi lamang basta isang hangarin.
Nakasalalay mismo sa mga kamay ni BBM kung siya’y magiging isang dakilang bayani o isang huwad na lider.
- Latest