LALO pang dumami ang humihiling kay outgoing President Rodrigo Duterte na i-veto o ibasura niya ang Senate Bill No. 2239 (Vaporized Nicotine and Non Nicotine Products Regulation Act) o mas kilala sa tawag na Vape Bill na ipinasa noong Disyembre 2021. Bago man lang daw bumaba sa Hunyo 30 si Duterte ay mayroon siyang maiiwang legacy sa hindi pag-apruba sa nasabing panukalang batas na wala namang maidudulot na maganda sa mamamayan.
Tinutuligsa ang mabilis na pagpasa ng Vape Bill na mas inuna pa kaysa sa ibang mahalagang panukala na makikinabang ang mahihirap lalo na ngayong may pandemya. Lalong sumama ang Vape Bill nang binabaan ang edad ng mga kabataan na makabibili at makagagamit ng vape. Mula 21-anyos, ginawang 18-anyos ang puwedeng bumili. Isang malinaw na paghikayat sa mga kabataan na gumamit ng vape.
Sinabi ng mga doktor na delikado ang vape sa kalusugan. Katulad ng sigarilyo, mapanganib ang paggamit nito. Sinabi ng Department of Health (DOH), kumukontra ang panukalang batas sa pinu-promote ng pamahalaan na mapangalagaan ang kalusugan ng publiko. Nagtagumpay na anila ang bansa sa pagkontrol sa tabako pero nagkakandarapa naman para isulong ang paggamit ng vape.
Ayon pa sa health experts, ang vape ay may sangkap na chemicals na gaya ng nicotine, propylene glycol, carbonyls at carbon monoxide na nakaka-addict at nagiging dahilan ng cancer. Noong 2018, nakapagtala ang Pilipinas ng kauna-unahang kaso ng paggamit ng vape makaraang mapinsala ang mga baga (lungs) ng 16-anyos na babae sa Visayas. Ayon sa report, second hand smoke ang nalanghap ng babae sa mga kasama sa bahay na gumagamit ng vape.
Nananawagan din ang mga tanggapan ng pamahalaan na ibasura ni President Duterte ang Vape Bill. Isa ang Deparment of Education (DepEd) sa nananawagan sa presidente ukol dito. Ayon sa mga taga-DepEd, nararapat protektahan ang mga kabataan sa bisyong ito. Hiling nila sa presidente na ibasura ang kontrobersiyal na panukala.
Noon pa, ayaw ni President Duterte sa sigarilyo. Ibinawal niya ang paninigarilyo sa Davao noong siya pa ang mayor. Kung galit siya sa sigarilyo, tiyak na ganundin sa vape. Malaki ang posibilidad na ibasura niya ang Vape Bill.