EDITORYAL - Nararapat lumaya sa kahirapan, kamangmangan at katiwalian
IPINAGDIWANG noong Linggo ang ika-124 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan. Dumalo sa pagtitipon si President Rodrigo Duterte—unang pagkakataon na dumalo siya mula nang manungkulan noong 2016. Pababa na siya sa puwesto sa Hunyo 30.
Sa mensahe ni Duterte, binigyan niya ng papuri ang mga bayani na nagsikap para makalaya ang bansa sa mga Kastila. Hiniling niya sa sambayanan na alalahanin ang leksiyon ng nakalipas. Idinagdag niya na mahalin ang Pilipinas at bigyang halaga ang tinatamasang kalayaan sa kasalukuyan.
Tama naman ang Presidente subalit hindi niya nabanggit na mayroon pang tatlong kalaban ang sambayanan sa kasalukuyan at nararapat nang lumaya sa mga ito. Sana ito ang binigyang-diin ng Presidente—ang makalaya ang mga Pilipino sa karukhaan, katiwalian at kamangmangan (3Ks). Ang 3Ks na ito ang sagabal sa pag-unlad ng bansa at mamamayan.
Laganap ngayon ang kahirapan. Kahit na hindi pa nananalasa ang pandemya noong 2020, marami na ang dumaraing sa hirap ng buhay. Marami ang nagsabi na nakaranas sila ng gutom. Sa mga surbey ng SWS at Pulse Asia, lagi nang marami ang nagsasabing nakararanas sila ng gutom at mayroong isang beses na lamang kumain sa maghapon.
Nang manalasa ang pandemya, lalong dumami nagdahop ang buhay. Maraming nawalan ng trabaho dahil nagsara ang pabrika. Lalo nang nadama ang hirap nang magsunud-sunod ang oil price hike. Sa unang quarter ng 2022, marami ang nagsabing nakaranas silang magutom.
Marami pa ring mangmang sa bansang ito. Maraming salat sa kaalaman na nagpapakita na may mali sa sistema ng edukasyon. Ayon sa surbey, maraming bata na edad walo ang hindi marunong bumasa at sumulat. Nangungulelat sa Science at Math ang mga kabataan. Natatalo sa kumpetisyon ng mga katabing bansa. Nakita rin ang kamangmangan ng mga Pilipino sa paghahalal ng pinuno. Kahit tiwali, ibinoto pa rin.
Laganap ang katiwalian na lalong nagpapalubog sa buhay ng mga Pinoy. Maraming tiwali sa pamahalaan. Pawang kawat ang nalalaman dahilan para mamulubi at matuyuan ang kaban.
Sa Hunyo 30, 2022, manunungkulan na ang bagong pinuno ng bansa. Sikapin sana niyang mapalaya ang mamamayan sa karukhaan, kamangmangan at katiwalian.
- Latest