Tuloy ang laban para sa kasarinlan at kalayaan

BUKAS, ipagdiriwang natin ang ika-124 taong paglaya ng Pilipinas mula sa 333-taong pang-aalipin ng mga Kastila at 48-taong pananakop ng mga Amerikano. Libu-libong ba­yaning Pilipino ang nagbuwis ng kanilang buhay alang-alang sa kasarinlan at kalayaan.

Tayo ba’y talagang isa nang bansang nagsasarili? Isang katangian ng bansang nagsasarili ang pagkakaroon ng sariling teritoryo. Handa ba tayong ipagtanggol ang kahit isang pulgadang teritoryo ng Pilipinas laban sa pag-agaw ng sinumang bansa?  Isang higanteng bansa, ang China, ang tila sinusubukan ang determinasyon ng mga Pilipino na ipagtanggol ang teritoryo nito sa West Philippine Sea.

Wala naman talaga tayong laban sa China kung giyera ang pag-uusapan. Ngunit ang paglaban ay hindi lamang sa pagdidiklara ng giyera. Maaari tayong lumaban sa pamamagitan ng paggigiit sa ating karapatan sa mga teritoryong mula pa man noon ay sa atin na. Nasa ating panig ang buong mundo, sapagkat idineklara ng Permanent Court of Arbitration ng UN na walang basehan ang China sa ginagawa nitong pag-angkin sa mga teritoryo sa West Philippine Sea.

Ang malungkot, si Presidente Duterte pa mismo ang nagsabi na ang ruling ng Arbitration Court ng UN ay isa lamang kapirasong papel at siya’y inutil para pigilan ang China sa gusto nito. Inutil ba tayo sa harap ng pangmamaliit ng China? Ang tingin ba natin sa ating sarili ay singliit ng tingin ng China sa atin?  Hindi ba tayo maaaring tumindig sa kabila ng ating kaliitan na katulad ng mga lider at mamamayan ng Vietnam? Sana ang bago nating lider, si Presidente Marcos, Jr., ay magpakita ng higit na katapangan sa pagtatanggol sa ating mga teritoryo. Sana mabigyan niya ng dangal ang kamatayan ng ating mga bayani.

Tayo ba’y talagang isa nang bansang malaya? Ang kalayaan ay hindi lamang paglaya sa pananakop ng dayuhan.  Ang kalayaan ay paglaya rin sa pananakop ng kahirapan, katiwalian, pagsasamantala sa kapangyarihan, at kasinungalingan.

Pagkatapos ng 124 taon, nananatili tayong mahirap na bansa at isa sa pinakatiwaling bansa sa buong mundo.  Lalong tumindi ang pagsasamantala sa kapangyarihan ng mga nasa poder. Ang higit na malungkot, ang mga pulitikong napatunayang nagkasala sa batas ay inihahalal pa natin sa matataas na pwesto sa gobyerno, samantalang napakaraming walang kasalanan ang nabubulok sa mga bilangguan. Ang Pilipinas ang social media capital of the world dahil mahigit sa 90 milyong Pilipino ang active social media users. Dahil sa social media, lalong namayagpag ang kasinungalingan sa pamamagitan ng mga fake news na pinalalaganap ng trolls at vloggers.  Kaya maraming Pilipino ngayon ang nagpapasya batay sa mga fake news na pinaniwalaang totoo.

Hindi pa tapos ang laban para sa kasarinlan at kalayaan. Mangangailangan pa ng maraming Pilipinong magpapakita ng tunay na pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng paglaban sa makabagong paraan ng pananakop. Kailangan ang patuloy nating pagkakapitkapit-bisig upang wakasan ang kahirapan, katiwalian, pagsasamantala sa kapangyarihan, at kasinungalingan.

Nilabanan ng mga bayaning Pilipino ang mga Kastila at Amerikano. Tayo ngayon ang kailangang lumaban sa mga makabagong kaaway ng ating kasarinlan at kalayaan. Tulad ng mga bayaning Pilipino, kailangang manalaytay din sa ating mga ugat ang diwa ng huling linya ng ating pambansang awit, “Ang mamatay ng dahil sa iyo.”

Show comments