Babae sa U.S., muntik nang mabulag nang mapagkamalang eyedrops ang super glue!

ISANG ginang sa ­Michigan ang muntik nang mawalan ng paningin makaraang patakan ito ng superglue na inakala niyang eyedrops!

Ayon sa ginang na si Yacedrah Williams, nakalimutan niyang tanggalin ang kanyang contact lens bago matulog. Paggising niya ng madaling araw, nakadama siya na sobrang dry ng mga mata niya kaya naisipan niya na patakan ang mata ng eyedrops.

Pero imbis na eyedrops, bote ng superglue ang nakuha niya sa bag. Pagkapatak ng superglue sa mata, sinubukan niya itong kusutin ngunit nagdikit na ang kanyang mata at hindi na maimulat.

Agad dinala sa ospital si Williams at doon natulungan siyang mabuksan muli ang kanyang mata.

Ayon sa doktor na nag-asikaso kay Williams, nakatulong ang contact lens na mapigilan ang severe damage sa mata at maging sanhi ng pagkabulag ni Williams.

Dagdag pa ng doktor, kung sakaling mangyari ang ganitong klase ng aksidente sa sarili o sa kasama sa bahay, ang mainam ay padaanan ng running water ang mata bilang first aid.

Show comments