Sibol ng pag-asa: Halaman sa lupa ng buwan  

NAPABALITA noong nakaraang Mayo ang resulta ng isang eksperimento ng mga researcher ng University of Florida (UF)  na nakapagsibol ng buto ng isang halaman sa sample ng lupa na nakuha sa buwan sa pamamagitan ng mga Apollo mission noong dekada 60 at 70.

Wala pa namang indikasyon na maaari nang magsagawa ng maramihan at malawakang pagtatanim ng mga halaman sa buwan pero itinuturing nang isang pruweba na maaaring magtanim at magpalaki ng mga halaman sa buwan. Nakakapagbigay ito ng pag-asa sa  mga hinaharap na plano sa muling pagbabalik at pagtatayo ng base o kolonya ng tao sa buwan.

Mahigit 50 taon na ang nakararaan nang unang lumapag sa mabatong lupain ng  buwan ang Apollo 11 at ang mga astronaut nito ay kumulekta ng mga sample ng lunar soil na tinatawag ding regolith. Ayon sa isang ulat ng Popular Science, limitado ang suplay ng regolith sa Daigdig at maingat na nakatago ang mga ito  sa Johnson Space Center ng National Aeronautics and Space Administration ng United States. Iniingatan ito ng nitrogen para makaiwas sa oxidation at contamination. Nakakahiram ng sample nito ang mga scientists sa buong mundo.

Tatlong beses sa nagdaang 11 taon nagpetisyon  sa NASA ang geologist at horticulturalists ng UF Space Plants Lab para makakuha sila ng sample ng lupa ng buwan at mapag-aralan ito pero noong 2021 lang sila pinagbigyan. Ang resulta ng pag-aaral na pinondohan ng NASA ay lumabas noon ding nakaraang buwan na nalathala sa journal na Communications Biology.

Malaking bagay kasi kung ganap na mapapatunayang maaaring makapagtanim ng mga halaman sa buwan dahil katiyakan ito na magkakaroon ng sapat na pagkain ang mga taong titira roon. Gayunman, ang pagpapalaki ng halaman sa lunar soil ay iba sa karaniwang pagpapalaki ng halaman sa Daigdig. May mga procedures na isinasagawa para makapagtanim at makapagpalaki ng halaman sa sample ng lupa mula sa buwan tulad ng fertilizing mixture na Murashige-Skoog medium bukod sa pagdidilig dito ng tubig.

Binhi ng tinatawag na  Arabidopsis  thaliana plant ang ginamit sa naturang eksperimento.  Katutubo sa Eurasia at Africa ang ganitong halaman. Kamag-anak ito ng mustard greens at ng ibang cruciferous vegetable. Malaking bagay kung magagawa ring makapagtanim at makapagpalaki ng iba pang mga klase ng halaman sa lupa ng buwan dahil darami ang mapagpipilian.

Kabilang kasi sa mga pinag-aaralan ng mga scientist at ibang dalubhasa sa kalawakan ang kung paano makakapagtanim at makakapagpalaki ng halaman sa ibang planeta.  Sa buwan halimbawa, magiging mas paborable sa mga tao na maninirahan doon kung mapapatunayang merong tubig doon at kung magagawang makapagtanim dito ng mga halaman para mabuhay sila doon nang matagal.

Ganundin sa ibang planeta na tulad ng Mars na kinakikitaan ng mga palatandaan ng tubig na naging yelo bagaman batay lang ito sa mga litrato at iba pang resulta ng mga pag-aaral sa tulong ng mga robotic spacecraft na ipinapadala roon. Kung walang tubig at halaman at iba pang mga bagay na nakikita rito sa mundo, malabong mabuhay ang tao sa ibang bahagi ng kalawakan.

• • • • • •

Email: rmb2012x@gmail.com

 

Show comments