EDITORYAL - Murang bigas inaabangan na
MAGIGING beinte pesos ang kilo ng bigas. Ito ang ipinangako ni president-elect Ferdinand Marcos Jr. noong nangangampanya siya. At siguro, ang pangakong ito ang dahilan kaya marami ang bumoto sa kanya. Landslide ang panalo niya noong Mayo 9.
Bigas ang pangunahing kailangan ng mga Pilipino. Sabi ng iba, kahit walang ulam basta may mainit na kanin sa hapag, makakaraos na. Kahit daw asin lang ang ibudbod sa kanin, puwede na. Kaya napakahalaga ng bigas sa buhay ng mga Pilipino, lalo pa ang mga mahihirap. Hindi kumpleto ang buhay ng mga mahihirap kung walang bigas. Kaya maraming nangarap na sana isang araw, bumagsak ang presyo ng bigas. At nang ipangako nga ni Bongbong na magiging beinte pesos ang kilo ng bigas, maraming natuwa lalo na ang mga kapos sa budget.
Sabi ni Marcos sa isang interbyu noong Huwebes na nakikipag-usap na siya sa rice traders na panatilihin muna sa kasalukuyang presyo ang bigas sa loob ng ilang buwan hanggang sa maisaayos. Ito raw muna ang unang hakbang para mapababa ang presyo.
Sinabi rin ni Marcos na malaking hamon daw sa pagsasakatuparan ng kanyang pangako ang tumatandang populasyon ng mga magsasaka habang wala namang interes sa pagsasaka ang mga kabataan. Kailangan daw ay makapagsagawa ng mga bagong teknolohiya sa pagsasaka. Tiniyak naman niya na puproteksiyunan ang mga local na magsasaka sa kabila ng mga pumapasok na murang agri products sa bansa.
Isa sa mga tiyak na paraan na nararapat gawin ni Marcos para mapababa ang presyo ng bigas ay ang suporta sa mga lokal na magsasaka. Kung tutulungan ng pamahalaan ang mga magsasaka na makakuha ng murang fertilizer, power tiller, insecticides, maganda at murang binhi, sapat na patubig at iba pang pangangailangan, tiyak na darami ang ani ng magsasaka. Bilhin ng pamahalaan ang ani ng mga magsasaka at presto, maibababa ang presyo ng bigas at maaari pang makapag-export.
Magpagawa rin ng mga kalsada sa kanayunan para madaling mailuwas ng mga magsasaka ang kanilang ani. Kung magiging maalwan ang pagsasaka, walang dahilan para hindi mag-ani ng sagana sa bansang ito.
- Latest