EDITORYAL - Mag-ingat sa dengue
MAGANDANG balita na hindi na gaanong tumataas ang kaso ng COVID sa bansa. Maski ang mga ospital ay nagsasabing paisa-isa na lamang ang mga pasyenteng ina-admit dahil sa COVID. Pero ang masamang balita, ang dengue naman ngayon ang tumataas ang bilang at may mga namatay na. Karamihan umano sa mga nagka-dengue ay mga bata.
Ngayong dineklara na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang tag-ulan, tiyak na lalong darami ang sakit na may kaugnayan dito at isa rito ang dengue. Kapag umulan, tiyak na magkakaroon ng tubig ang mga basyo ng softdrink, lata, paso at iba pang lalagyan. Ang mga ito ang breeding grounds ng lamok.
Dito mangingitlog ang mga lamok na tinatawag na Aedes Aegypti. Mabilis dumami ang lamok na ito. Karaniwan ding makikita ang mga ito sa madidilim na bahagi ng bahay at mga nakasampay na damit.
Sa report ng Department of Health (DOH), may pagtaas ng dengue cases sa Western Visayas. Ayon sa DOH, may naitala nang 1,034 na kaso ng dengue sa nasabing lugar mula Enero 1 hanggang Mayo 7 ng taong kasalukuyan. Ayon pa sa DOH, 18 na ang namamatay. Ang kaso ng dengue ngayon ay 36 percent na mas mataas kaysa noong nakaraang taon.
Inalerto na ang regional directors ng DOH sa posibleng pagdami pa ng kaso lalo’t pumasok na ang tag-ulan. Mahalagang magsagawa ng kampanya ang DOH upang makaiwas sa dengue ang mamamayan. Lubhang delikado ang dengue na mas matindi pa sa COVID. Ang COVID ay mayroong bakunang panlaban hindi katulad ng dengue na wala sapagkat nagkaroon ng kontrobersiya sa Dengvaxia noong 2016. Ipinatigil ng pamahalaan ang pagbabakuna laban sa dengue dahil sa report na may mga batang namatay. Nagkaroon ng takot ang mga magulang sa bakuna.
Sa pagdami ng kaso ng dengue, ang pag-iingat at paglilinis sa kapaligiran at sa loob ng bahay ang nararapat para makaiwas dito. Kung walang pangingitlugan ang mga lamok, walang dengue.
Palawakin ng DOH ang pagbibigay ng inpormasyon sa mamamayan ukol sa dengue. Marami pa rin ang salat sa kaalaman ukol sa mga lamok na naghahatid ng sakit lalo na ang mga nasa liblib na lugar. Isama sa mga aralin sa school ang pag-iingat at paglilinis sa kapaligiran upang malipol ang mga lamok.
Hindi lamang sa COVID-19 dapat mag-ingat kundi pati sa dengue na nakamamatay.
- Latest