Sulsoltants ng mga ­pulitiko mas masahol pa sa amo

HINDI pa man nakakapagsimula sa tungkulin ang karamihan sa mga nanalong kandidato, pinaplano na ng mga alipores nila ang panunulsol para tumakbo sa mataas na posisyon sa susunod na eleksiyon.

Pinag-uusapan na ang mga mamanukin nila sa barangay election, para daw mas maging malakas ang makinarya nila sa 2025 election. May mga naglilider-lideran na naging tagalista lamang naman ng mga bibigyan ng ayuda ang  pumuporma na para tumakbong barangay captain o barangay kagawad, dahil malakas daw kasi sila sa tao. Baka naman kumita pa, kaya nawili, ha-ha-ha!

May mga nanalong congressman at konsehal na hindi pa man nakakaupo sa puwesto ay sinusulsulan na nang kanilang mga urot na lider para planuhin ang pagtakbo bilang mayor o senador sa susunod na eleksiyon. Normal na talaga kasi ang isabay ang pangangampanya sa unang araw pa lamang ng paninilbihan sa bayan. Hindi na raw kasi uso ngayon ang bayani. Katusuhan na ba  ang trending?

Sulsol din at papuri ang igagatong ng mga gustong pumalit sa nakaupong opisyales, lalo na ang mga nag-number one councilor o dili kaya ay ang kanilang bise para nga naman maging madali at maluwag ang daan sa nag-aambisyong mga pulitiko para pumalit. Ganito kaya ang nangyari kay Isko Moreno?  Baka nga!

Gumagapang na rin ang gustong maging Senate President sa administrasyon ni Bongbong Marcos kahit hindi pa ito naiiproklama ng Comelec at Kongreso. Matunog ang mga pangalan ngayon nina Migs Zubiri, Cynthia Villar sa senate presidency at Martin Romualdez sa House speakership.

Alumpihit naman ang mga congressman na may inaasintang masabaw na komite, kaya nagpaparamdam na ang mga ito sa magiging Senate President at Speaker of the House.  Ganyan talaga ang mga pulitiko na gustong makabawi. Bida na, may ganansiya pa!

 

Show comments