ILANG taon nang sinusubukan ng 28-anyos na si Jaimi Conwell ang magbawas ng timbang ngunit kahit anong subukan niyang diet at pag-eehersisyo ay bigo siyang pumayat.
Nang napansin niya na lalo pang nadadagdagan ang kanyang timbang kahit dalawang beses na siyang mag-workout sa isang araw, naisipan na niyang magpatingin sa doktor.
Matapos magpa-laboratory tests at checkup, natuklasan na may napakalaking tumor na bumabalot sa kanyang right ovary.
Agad na pumayag sumailalim sa surgery si Conwell upang alisin ang tumor kahit pa kasama sa tatanggalin ay ang kanyang kanang obaryo.
Naging matagumpay ang operasyon at natuklasan na ang tumor na nakuha sa kanya ay tinatawag na Teratoma Tumor. May bigat na siyam na kilo ang tumor at tinutubuan na ito ng ngipin at buhok!
Ayon sa doktor ni Conwell, ang ovarian teratoma ay mula sa germ cells na may kakayahang magkaroon ng buhok, ngipin at buto.
Sa kasalukuyan, nakarekober na sa operasyon si Conwell at naging madali na para sa kanya ang magbawas ng timbang