ISANG pasahero sa Florida ang ligtas na nakapagpalapag ng 9-seater na eroplano kahit wala siyang karanasan sa pagiging piloto matapos magkaroon ng medical emergency ang kasamang pilot.
Ayon kay Florida airport Air Controller Robert Morgan, breaktime niya nang makatanggap siya ng tawag mula kay Darren Harrison na nagsasabing nawalan ng malay ang kasama niyang piloto.
Ayon kay Harrison hindi pa siya nakapagpapalipad ng eroplano pero dahil madalas siyang sumakay sa mga private jet, lagi niyang napapanood ang mga piloto kung paano ito paliparin
Ang unang desisyon na ginawa ni Morgan ay gabayan si Harrison na paliparin ang eroplano sa direksyon patungo sa pinakamalaking airport sa Florida. Sa airport na ito malaki ang mga runway para maging madali sa isang baguhan na ilapag ang eroplano.
Sumunod nito ay step-by-step na nagbigay ng instruction si Morgan kay Harrison kung ano ang mga pipinduting buton sa control ng cockpit.
Ligtas na nailapag ni Harrison ang eroplano at maraming piloto sa nasabing airport ang humanga dahil kinakailangan ng 20 hours bago matutunan ng isang student pilot na magpalapag ng eroplano.