Dear Attorney,
Ninakaw po ang aking checkbook at pinalabas ng magnanakaw na nangutang ako at nag-issue ako ng tseke bilang security sa halagang kunyaring inutang ko. Ngayon po ay ako ang sinisingil at pinagbabantaan na madedemanda para sa kasong BP 22 dahil tumalbog ang tseke. Maari nga ba akong makasuhan ng BP 22 kahit hindi naman ako ang nag-isyu ng tseke? —Gel
Dear Gel,
Kung hindi naman talaga ikaw ang nag-issue ng tseke ay wala kang krimen na ginawa sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 22 o BP 22 dahil ang pinaparusahan lang naman sa ilalim ng nasabing batas ay ang pag-iisyu ng tumalbog na tseke.
Hindi naman ibig sabihin nito ay hindi ka na maaring mademanda dahil wala namang makakapigil sa nagbanta sa iyo na magsampa ng kaso laban sa iyo para sa nasabing krimen.
Ang tanong lang ay kung may sapat bang ebidensya ang magdedemanda sa iyo na ikaw nga ang nag-isyu ng tumalbog na tseke. Mas mabuting kumuha ka na ng abogado ngayon pa lamang upang mapaghandaan mo na ang posibleng demanda sa iyo at upang makalap mo na ang mga ebidensya mo na magpapatunay na ang tsekeng tumalbog ay hindi mo naman inissue at wala kang kinalaman sa naging utangan.