EDITORYAL - Mag-ingat sa pagboto

NGAYONG araw na ito magtutungo sa ­voting centers ang mga tao para iboto ang mga kandidato na inaakala nila ay maglilingkod sa kanila sa loob ng anim na taon. Ito ang kauna-unahang election sa panahon ng pandemya. Kaya ang election na ito ay pinaka-memorable para sa mga Pilipino. Ito ang election sa gitna ng pandemya.

Mayroong isang mahalagang bagay na dapat pakatandaan ng mga botante ngayong araw na ito—ang mag-ingat. Mag-ingat sa COVID-19 at mag-ingat din sa mga ibobotong kandidato. Kapag hindi nag-ingat sa dalawang ito, malaking perwisyo ang tatamuhin ng 65.7 milyong botante.

Laganap pa ang COVID-19 sa bansa kaya nararapat mag-ingat ang lahat nang boboto. Kailangang naka-face mask ang mga botante at pati ang mga namamahala sa voting centers. Ayon sa Commission on Elections, dapat masunod ang minimum health standards. Nararapat ma-check ang temperatura ng botante at pagpapasahin sila ng COVID-19 health declaration form. Ito ay upang masiguro na ligtas sa virus ang mga botante. Nagbabala ang WHO kamakailan na ang election sa Pilipinas ay magiging “super spreader”.

Ikalawang dapat ingatan ng botante ay ang magkamali sa iboboto. Nararapat na bago bomoto ay isipin, analisahin at suriin ang kandidatong iboboto. Tanungin ang sarili kung tama ba ang kandidatong iboboto. May sapat ba itong kakayahan para mamuno? Korap ba ito? May malasakit ba ito sa mamamayan? Maaasahan ba ito sa panahon ng krisis, pandemya at kung anu-ano pang daraang problema sa bansa.

Ang dalawang ito ang dapat ingatan ngayong eleksiyon. Ang kaibhan lang sa dalawa, ang COVID-19 ay may bakuna subalit kung magkakamali sa pagboto sa kandidato, titiisin ito nang anim na taon at walang bakuna para rito.

Mag-ingat.

Show comments