ISANG gachapon o vending machine sa Kagurazaka, Tokyo ang dinadayo dahil nagbebenta ito ng mga ID picture ng mga pangkaraniwang tao sa halagang 300 yen!
Mainit na pinag-uusapan ngayon ng mga Japanese netizens ang kakaibang gachapon o vending machine dahil nagbebenta ito ng mga litrato ng tao. Na-curious ang mga Japanese
sa vending machine dahil hindi litrato ng mga artista, singer o celebrity ang binebenta nito kundi mga estranghero o pangkaraniwang tao.
Inilagay ang vending machine sa Kagurazaka noong Marso 2022. Simula noong may nag-post sa Twitter tungkol sa unique na vending machine, pinilahan na ito at dinadayo na ng mga mamimili mula sa malalayong lugar tulad ng Osaka. Ang iba ay siniguradong makokolekta nila ang lahat ng 10 litrato mula sa vending machine.
Napag-alaman na ang may-ari ng vending machine ay si Terai Hiroki. Sa isang panayam kay Hiroki ng isang tv program, ang ideya niyang ito ay dahil sa panahon ng pandemic. Ayon sa kanya, nakasuot ng face mask ang lahat ng tao sa paligid kaya naisip niya na nakakatuwang makita ang kabuuan ng mukha ng isang estranghero sa panahon ngayon. Sinigurado rin niya na ang lahat ng mga litratong mabibili sa vending machine ay may pahintulot ng mga nagmamay-ari nito.
Sa sobrang patok ng vending machine, magkakaroon ng second batch ang mga litrato kung saan mga bagong mukha ng estranghero ang maaaring kolektahin.