MARAMI umano ang nagla-lobby para lagdaan na ni President Duterte ang Vape Bill (Senate Bill No. 2239). Subalit malaki ang posibilidad na ibasura ng presidente ang panukalang batas. Kung ang online sabong na kumikita ng milyong piso ang gobyerno ay nagawa niyang ibasura, ano pa ang Vape Bill na sakit ang nakukuha. Sa pagbasura sa online sabong, sinabi ng presidente na ipinasya niyang itigil na ito dahil lumilihis sa value ng mga Pilipino. Pinakinggan niya ang ginawang pag-aaral ni DILG Sec. Eduardo Año
Ang ginawa ng Presidente ay labis na ikinatuwa ng mamamayan particular ang mga magulang na nangangamba sa kanilang mga anak na nahihilig sa online sabong. Napakadaling tumaya sa online sabong gamit ang cell phone at iba pang gadgets. Marami nang buhay ang nasira dahil sa online sabong.
Kung ang online sabong ay nagawang ibasura ng presidente, posibleng ibasura o i-veto niya ang Vape Bill (Senate Bill No. 2239). Kung ang sugal na nag-aakyat ng P640 milyon bawat buwan sa kaban ng bayan ay pinakawalan niya dahil lumilihis sa value ng mga Pilipino, ano pa ang Vape Bill na isang bisyong nagdudulot ng kung anu-anong sakit at pawang kabataan ang nahuhumaling.
Kakatwa ang Vape Bill sapagkat binabaan ang maaaring makabili ng vape—mula 21-anyos, ginawang 18. Ipinasa ito noong Disyembre 2021—mas inuna pa kaysa ibang panukala na makakatulong sa mamamayan na sinalanta ng pandemya.
Umalma ang health advocates at iba pang sector sa pagkakapasa ng Vape Bill. Sinabi ng mga doktor na delikado ito sa kalusugan. Katulad ng sigarilyo, mapanganib ito lalo na sa mga kabataan. Mariing sinabi ng Department of Health (DOH), ang panukalang batas ay kumukontra sa pinu-promote ng pamahalaan na mapangalagaan ang kalusugan ng publiko. Nagtagumpay na anila ang bansa para sa pagkontrol sa tabako pero nagkakandarapa naman para isulong ang paggamit ng vape.
Noong 2018, nakapagtala ang Pilipinas ng kauna-unahang e-cigarette o vape associated lung injury na kinasangkutan ng 16-anyos na babae sa Visayas. Ayon sa report, second hand smoke ang tumama sa biktima na nalanghap sa mga kasama sa bahay na gumagamit ng vape.
Ibasura ng presidente ang Vape Bill gaya nang pagbasura niya sa online sabong. Huwag hayaang masira ng bisyong ito ang mga kabataan.