ISANG pamilya ng mga turistang Amerikano sa Israel ang gumawa ng kaguluhan sa airport matapos subukang mag-uwi sa kanilang bansa ng vintage bomb!
Nagimbal ang mga tao sa Ben Gurion Airport sa Tel Aviv nang isang pamilya ng mga turista mula Amerika ang nahulihan ng hindi pa sumasabog na vintage bomb.
Ang mga hindi pinangalanang turista ay napag-alaman na napulot ang vintage bomb sa Golan Heights at naisip nila na iuwi ito sa States bilang souvenir.
Ayon sa isang eye-witness sa airport, kaswal na inilabas ng padre de pamilya ang vintage bomb mula sa kanyang backpack at itinanong nito sa security staff kung sa hand carry o sa check-in luggage ba niya dapat ilagay ang bomba.
Sa sobrang pagka-shock ng mga tao sa paligid na nakakita ng bomba, may isang pasahero na sumigaw ng salitang “terrorists shooting” at ito ang naging dahilan para mag-panic ang mga tao sa airport. Karamihan sa mga tao sa airport ay nagtakbuhan at ang ilan ay dumapa sa sahig.
Ayon sa mga eksperto, ang bomba na napulot ay mula pa sa Israeli-Syrian war noong 1967.
Sumailalim sa matinding interogasyon ang pamilya. Matapos mapatunayan na hindi mga terorista ang mga ito, pinayagan na silang bumalik sa United States.