Dear Attorney,
Puwede pa po ba akong mag-back out sa pinirmahan kong contract to sell? Wala na po kasi akong maipapambayad sa buwanang hulog ko. —Danny
Dear Danny,
Hindi basta-basta ang pagpasok sa isang kontrata dahil nagsisilbi itong batas para sa mga partido nito. Dahil katumbas ng batas ang isang kontrata, kailangang sundin ito at tuparin ng mga partido ang kani-kanilang mga obligasyon nang naayon sa kung ano ang kanilang mga napagkasunduan.
Maari lamang mag-“back out” sa isang kontrata kung ang ibang partido ang hindi sumunod sa napagkasunduan, base sa Article 1193 ng Civil Code. Tinatawag itong “rescission” na remedyo na magagamit lamang kapag ang ibang partido ang hindi tumupad sa kanilang obligasyon.
Ibig sabihin, maari ka lamang mag-“back out” sa kontrata kung hindi ikaw ang may sala at ang ibang partido ang hindi sumunod sa kung anong obligasyon nila ayon sa kontrata.
Base sa tanong mo ay mukhang ikaw ang hindi tumupad o makakatupad ng iyong obligasyon dahil ayon sa iyo ay hindi ka na makakapagbayad ng iyong buwanang hulog. Dahil dito, hindi maaring ikaw ang umatras sa kontrata samantalang maari itong gawin ng kabilang partido bukod pa sa paghingi nila ng danyos o damages bunsod ng hindi mo pagtupad sa napagkasunduan.
Ang maari mong gawin ay pakiusapan ang kakontrata mo na kung maari ay gaanan ang hulog mo buwan-buwan nang kahit papaano ay matupad mo pa rin ang obligasyon mo na magbayad at nang pareho n’yong maiwasan ang gastos na dala ng demandahan.