EDITORYAL - Sampolan ang smugglers at kanilang mga protektor
“MOTHER of all smuggling”. Ito ang sinabi ni Albay Representative Joey Salceda sa Department of Agriculture (DA) nang magsagawa ng pagdinig noong nakaraang linggo. Nasabi ito ni Salceda makaraang madiskubre na inaprubahan ng DA na makapag-angkat ang bansa ng palm oil sa Malaysia na nagkakahalaga ng P300 bilyon.
Malaki ang paniwala ng mga mambabatas na isa na namang uri ng smuggling ang pag-import ng palm oil. Posibleng madeklara na used oil ito na ginagamit na sangkap sa pagkain sa hayop. Kapag nadeklarang feedstock, libre na ito sa tariff. At dahil walang buwis, natural na walang kikitaing revenue ang pamahalaan. Sabi pa ng mga mambabatas, alam ng mga opisyal ng DA ang mga gawaing ito.
Hindi pa nareresolba ng DA ang malawakang smuggling ng gulay, mayroon na namang bagong kontrobersiya—at hindi ito basta-basta sapagkat sangkot ang malaking halaga. Paniwala ng mga mambabatas, ang pag-angkat ng palm oil ay isa dagok na naman sa mga lokal na magsasaka.
Noon lamang nakaraang Enero, sinabi ng DA na mag-aangkat ang bansa ng tone-toneladang galunggong mula sa China para mapunan ang kakapusan ng bansa. Sabi naman ng mga tutol, sapat-sapat ang isda at hindi dapat umangkat. Balak din ng DA na umangkat ng asukal bagay na tinutulan ng sugar millers sa bansa.
“Mother of all smuggling’’ umano ang DA. May katwirang sabihin ito ni Representative Salceda. Lahat nang agricultural products ay naipapasok sa bansa at walang ginagawa ang DA para ito mapigilan. Paano mapipigilan kung may mga kasabwat na smuggler ang mga opisyal ng DA. Imposibleng makapasok sa bansa ang mga produkto kung walang kasabwat.
Sa hiwalay na pagdinig sa Senado, pinangalanan na ang mga smuggler ng gulay. Dapat kasuhan na ang mga ito at ang sinasabing mga opisyal na protector nila. Kung hindi masasampolan, tuloy ang smuggling at tuloy sa pagpapasasa ang mga korap na opisyal ng DA. Wakasan na ang katakawan at kasibaan.
- Latest