Political dynasties huwag iboto
KUNG nais nating magkaroon ng malaliman at malawakang pagbabago sa ating lipunan, isa sa dapat buwagin ay ang political dynasties. Nakita na ng mga bumalangkas ng 1987 Constitution ang masamang dulot ng political dynasties, kaya’t ito’y ipinagbabawal. Ang malungkot, pagkatapos ng 35 taon, walang naipasang batas ang Kongreso na binubuo ng mga senador at kongresista para ipatupad ang naturang pagbabawal.
Bakit wala? Simple lang ang dahilan — ang Kongreso ay dominado ng mga political dynasties. Kasi, 16 sa 24 na senador at 70 porsyento ng mga kongresista ay nagmula sa political dynasties. Gagawa ba sila ng batas na makapipinsala sa kanilang kapakanan?
Ang political dynasties ay naglilimita sa pamimilian ng mga botante at humahantong sa katiwalian, pagsasamantala, at kahirapan. Ayon sa mga pag-aaral, marami sa pinakamahirap na probinsiya sa ating bansa ay kontrolado ng political dynasties. Sa ngayon, 73 sa 80 probinsya rito sa atin ay hawak ng political dynasties.
Sa political dynasties, sabay-sabay na nanunungkulan o naghahali-halili lang sa panunungkulan ang mag-asawa, mag-ama, mag-ina, magkapatid, magbiyenan, magpinsan. Dahil sa political dynasties, humihina ang check and balance kung kaya’t nauuwi sa katiwalian at walang naipapasok na makabuluhang mga pagbabago. Iyon at iyon din. Sabi nga ni Albert Einstein, “Isang malaking kahibangan kung aasa ka ng ibang resulta samantalang pare-pareho lang at paulit-ulit ang iyong ginagawa.”
Panahon na para mawakasan ang kahibangan ng political dynasties. Hindi monopolyo ng mga pulitikong kabilang sa political dynasties ang kakayahang mamahala. Higit na sa 100 milyon ang ating populasyon. Pero dahil sa political dynasties, walang pagkakataon ang iba na mapatunayan ang kanilang kakayahan at kahandaang maglingkod sa bayan. Ang public office ay ginawang tila personal property ng political dynasties. O kaya’y personal business. Naging manahan ang puwesto sa gobyerno.
Huwag na nating hintaying kumilos ang Kongreso para tuluyang ipagbawal ang political dynasties. Kung hihintayin natin ito’y baka patay na tayo’y wala pa ring nangyayari. Tayo na mismo ang kumilos bilang mga botante — huwag nating iboboto ang political dynasties.
Pagkakataon na natin ito. Napakakritikal ng gagawin nating desisyon sa darating na eleksyon para sa kinabukasan ng ating bansa. Hindi lamang ang ihahalal nating presidente at bise presidente ang dapat pag-isipang mabuti. Nararapat ding pag-isipang mabuti ang ibobotong senador at kongresista, governor, mayor at mga konsehal.
Sabi ng Greek philosopher na si Heraclitus, “Ang tanging permanente sa buhay ay ang pagbabago.” Huwag nating gawing permanente sa puwesto ang political dynasties. Baguhin natin sila upang magkaroon tayo ng tunay na pagbabago.
Sabi ng isang kilalang kandidato, hindi raw nila kasalanan kung ang kanilang pamilya’y laging ibinoboto ng mga tao. Tama naman siya. Ang may kasalanan kung bakit nananatiling namamayagpag ang political dynasties ay ang mga tao rin, ang mga botante rin. Sabi nga ni Thomas Jefferson, “Ang gobyernong ibinoboto mo, ang gobyernong karapat-dapat sa iyo.”
Katanggap-tanggap ba sa iyo na dominado ng iilang pamilya ang mga posisyon sa gobyerno? Nasisiyahan ka ba sa paglilingkod ng political dynasties? Nais mo bang ang uri ng lideratong naranasan mo ang siya ring maranasan ng iyong mga anak? Mag-isip na mabuti! Dahil kung hindi mag-iisip, mapapahamak tayong lahat!
- Latest