Kuwento ng dalawang James
DALAWANG taon pa lang si James Leininger ng Louisiana USA ay mahilig na ito sa laruang eroplano. Pagsapit ng walong taon, napapansin ng kanyang mga magulang na malawak na ang kaalaman nito tungkol sa eroplano. Sa isip nila, nakukuha ng kanilang anak ang kaalaman sa internet.
Pero naalarma na ang mga magulang nang magsimula na itong managinip nang masama. Sumisigaw ito na babagsak na raw ang eroplanong sinasakyan niya dahil binabaril ng eroplanong may nakatatak na red sun. Marami pang sumunod na bangungot ang batang si James hanggang lumawak na ang kuwento ng kanyang napapanaginipan.
Minsan bigla na lang siyang nagkuwento sa kanyang ama na dati raw siyang piloto noong World War II at namatay siya sa Iwo Jima. Ang pangalan niya ay Lieutenant James. Magkapangalan pa sila.
Nag-research ang ama ng bata at ito ang nasaliksik niya: May sundalong nagngangalang Lieutenant James McCready Huston, isang World War II fighter pilot na taga-Pennsylvania. Ang kanyang eroplano ay pinabagsak ng Japanese airplane noong March 3, 1945. Ayon sa psychiatrist na katulong din sa pagsasaliksik, eksakto ang kuwento ng batang James kung paano “siya” namatay bilang pilotong James.
Habang lumilipas ang panahon, hindi na nagkukuwento si James nang tungkol sa eroplanong bumagsak hanggang sa makalimutan na niya ito. Tinuklas kasi ng ama nito at ng psychiatrist ang totoong kuwento ng buhay ni Lieutenant James McCready Huston kaya nagkaroon ng “closure” ang kabanatang iyon ng kanyang buhay.
- Latest