EDITORYAL - Muling pagkalat ng virus, ikinababahala     

KAHAPON, dagsa ang mga tao sa bus terminal, pantalan at domestic airport para umuwi sa kani-kanilang probinsiya para gunitain ang Mahal na Araw. Siksikan ang mga tao sa bus terminal sa Paranaque ganundin sa Batangas City pier. Pila rin sa Ninoy Aquino International Airport. Kapansin-pansin na hindi naipasusunod ang health protocol sa bus terminal at sa pantalan. Dikit-dikit ang mga tao at ang ilan ay walang face mask o kung meron man, hindi nakatakip sa ilong at bibig.

Sa paggunita ng Mahal na Araw sa probinsiya, nakababahala ang muling pagdami ng virus. Tiyak na hindi na maipasusunod ang health protocols lalo sa mga aktibidad na may kinalaman sa pagpepenitensiya. Karaniwan nang may mga nagpapapako sa krus at dinadagsa ng mga tao para manood. Mayroon ding mga prusisyon at kung anu-ano pang gawaing pang-Semana Santa. Tiyak na dadagsa ang mga tao sapagkat dalawang taon ding hindi nakapagdaos ng mga aktibidad na pang-Mahal na Araw.

Kasunod ng Mahal na Araw ay ang pagtitipon ng mga magkakamag-anak na karaniwang ginagawa ng Easter Sunday. May picnic na ginagawa sa beach o resort at kung saan-saan pa. Masaya ang pagkikita pagkatapos ng pandemya at nalilimutan na ang pag-iingat.

Pagkatapos ng paggunita sa Mahal na Araw, tuloy ang pangangampanya ng mga kandidato. Ibubuhos na nang todo ang panunuyo sa mga tao. Kaliwa’t kanan na ang campaign sorties. Ang mga kasuluk-sulukan ng barangay ay pupuntahan para makipagkamay at yumakap sa mga tao.

Nagbabala ang World Health Organization (WHO) na posibleng magkaroon ng surge ng COVID sa mga susunod na buwan. Ang epekto umano ng paggunita ng Mahal na Araw at election ay mararamdaman pagkalipas ng dalawang buwan. Ganito rin ang inihayag ng Department of Health (DOH) at OCTA Research Group ilang linggo na ang nakararaan.

Nararapat ang pag-iingat lalo na ang mga dumadagsa sa probinsiya. Nasa paligid pa ang virus kaya hindi dapat magkampante. Ipagpatuloy naman ng gobyerno ang pagbabakuna at pagbibigay ng booster shots. Mahalaga ito para maproteksiyunan ang mamamayan sa muling pagkalat ng virus. Itodo na ang pagbabakuna lalo’t maraming vaccine ang mae-expired sa Hunyo. Hindi dapat masayang ang mga bakuna.

Show comments