Dyanitor

ISANG titser na maawain ang nilapitan ng dyanitor para hingan ng pagkain. Ang dyanitor ay pinaekstra lang ng trabaho sa school dahil ang regular na dyanitor ay nasa bakasyon kaya pinagtrabaho ito kahit ilang araw lang. Walang gaanong may kakilala sa kanya. Nagmakaawa lang ito sa school principal kaya kinuha.

Ang baon na pagkain ng titser ay hinati niya at ibinigay ang kalahati sa dyanitor. Kinahapunan, dumaing na masakit ang tiyan ng dyanitor. Habang namimilipit sa sakit ay nagbigay ito ng konklusyon na ang nagpasakit ng kanyang tiyan ay ang pagkaing ibinigay ng titser. Nataranta ang titser. Na-guilty kaagad kaya agad nitong binigyan ng pera ang dyanitor upang makapagpatsek-ap sa doktor at makabili kaagad ng gamot.

Pag-uwi sa bahay ng titser ay napag-isip-isip niya: Kung ang pagkaing ibinigay niya ay may diperensiya, bakit hindi sumakit ang tiyan nilang mag-anak? Ang pagkaing binaon niya sa school ang kinain nilang mag-anak noong umaga. Ito rin ang binaon  ng kanyang mister sa opisina at mga anak sa eskuwelahan.

Kinabukasan, pinuntahan ng titser ang tinutuluyang boarding house ng dyanitor nang hindi na ito nagpakita sa school at para na rin usisain kung magaling na ito. Pero ang sabi ng landlord ay umuwi na raw ito sa probinsiya. Ang lalong nagpalakas ng kutob ng titser na siya ay niloko lamang ng dyanitor ay nang sabihin ng kanyang landlord na: Biglang nagkapera ang loko samantalang kahapon ay pinuproblema niya kung saan siya kukuha ng pamasahe pauwi sa kanilang probinsiya.

“Nabanggit ho ba niya kung masama ang kanyang pakiramdam?”

“Ano bang masama ang pakiramdam na sinasabi mo, lumagok pa nga ng dalawang shot noong alukin siya ng mga nag-iinuman diyan sa labas.”

Napabuntung-hininga na lang ang titser. Ang perang ibinigay niya sa dyanitor ay pambayad ng utang niya. Sa kabila ng pangyayari, nanatiling matulungin at maawain ang titser.

Show comments