EDITORYAL - Mga may utang sa tax tugisin na ng BIR
NGAYONG buwan ang deadline ng pagbabayad ng buwis. Mahigpit ang babala ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na wala nang extension sa pagbabayad ng buwis. Sa Memorandum Order na inilabas ni BIR Commissioner Ceasar Dulay, inatasan niya ang lahat ng revenue officers na paigtingin ang pagkolekta ng buwis. Ayon kay Dulay, nasa P252.6 bilyon ang kokolektahing buwis ng BIR ngayong Abril.
Noong 2020, nagbigay ng palugit ang BIR sa pagbabayad ng buwis dahil sa pandemya. Sa halip na Abril, ginawang Hunyo ang deadline. Noong nakaraang taon, hindi na nagbigay ng palugit ang BIR sapagkat unti-unti nang nakabangon ang ekonomiya at bahagyang lumuwag ang restrictions. Ngayong taon na ito na malaki ang sisingiling buwis, wala na ring ibibigay na palugit. Titiyakin umano ng BIR na makokolekta ang lahat ng buwis.
Magandang pakinggan ang sinabi ng namumuno sa BIR. Sana nga ay totoo ang kanyang sinabi na makokolekta ang lahat ng buwis. Kung makokolekta lahat, mayroong magagamit na pondo para matustusan ang pangangailangan ng bansa. Sa kasalukuyan, lubog na sa trilyong pisong utang ang Pilipinas na lumaki dahil ginamit sa pandemya at kung anu-ano pang pinagkagastusan.
Sa kabila nang tila ay “may kamay na bakal” kung magbanta ang BIR, nanatili pa ring bigo ang ahensiyang ito sa paniningil ng buwis. Isang halimbawa ay ang bilyones na utang ng Marcos family sa estate tax. Umabot na sa P203 bilyon ang utang ng Marcos family. Hindi malaman kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa nasisingil ng BIR ang pamilya Marcos sa pagkakautang ng mga ito. Dahil sa kabiguan ng BIR, magkakaroon ng imbestigasyon ang Senado ukol sa lumobong utang ng mga Marcos sa buwis.
Kung makokolekta ang bilyong pisong utang, marami nang maaayudahan ng halagang ito lalo pa’t maraming nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya. Malaking tulong ito sa mga mahihihirap na dumaranas ng gutom. Ang P203 bilyon ay marami nang magagawa para makaahon sa kumunoy ang hilahod na bansa. Ipursigi ng BIR ang pagtugis sa mga may utang sa buwis. Huwag silang hayaang makahulagpos.
- Latest