Lider na totoong nagmamahal sa bansa

“ALING pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila, gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa, aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.” Bahagi ito ng tulang sinulat ni Andres Bonifacio, isa sa ating mga bayani na nagbuwis ng sariling buhay alang-alang sa bayan.

Marubdob ang pagmamahal sa bayan ng mga henerasyon nina Bonifacio, Rizal, Mabini, at Del Pilar. Pinatotohanan nila sa kanilang buhay ang diwa ng panghuling linya sa ating pambansang awit, “Aming ligaya na pag may mang-aapi, ang mamatay nang dahil sa iyo.” Ito ang tila nawawala sa mga Pilipino sa ating panahon, ang pagmamahal sa bansa.

Minsan, isang Koreano na matagal nang naninirahan dito sa atin kung kaya’t natuto nang magsalita ng Tagalog ang nagsabi sa akin ng ganito, “Ang problema sa inyong mga Pilipino, kulang kayo sa pagmamahal sa inyong bansa.” Parang kinurot ang puso ko, pero tama siya, kulang tayo sa pagmamahal sa bansa kung kaya’t naiwan na tayo ng ibang bansa sa Asya.  Ang mauunlad na bansa sa Asya, sa pangunguna ng China at Japan, ay kilala sa pagkakaroon ng mamamayan na handang ipagpatayan ang kanilang bansa; mga mamamayan na kahit saan pumunta ay ipinagmamalaki ang sariling kanila.

May isa pa akong nakakahiyang karanasan na nangyari naman sa Singapore.  Nagkukuwentuhan kami ng kasama kong Pinoy sa gilid ng isang napakalinis na kalsada ng Singapore. Akalain mong walang pangingiming itinapon niya sa kalsada ang balat ng kending kanyang kinakain. Maya-maya, isang Singaporean ang dumampot sa balat ng kendi, galit na inabot ito sa kanya, sabay ng pagsasabing, “You, idiot, you don’t do this to our highway.” Sapagkat ang kalsada’y itinuturing nilang kanila, iniingatan nila ito at pinananatiling malinis. Dito naman sa atin, tapon dito, tapon doon, wala tayong pakundangan, dahil hindi natin itinuturing na sa atin ang kalsada.

Kulang na kulang tayo sa tinatawag na pambansang kamalayan na ipinakikita sa pagmamahal sa bansa, sa isip, salita at gawa. Ang totoo, upang mabago ang Pilipinas, ito ang kailangang ilunsad natin, ang rebolusyong pangkultura para maiukit sa puso’t isip ng bawat Pilipino ang marubdob na pagmamahal sa bansa at ang malalim na pagpapahalaga sa ating sariling kultura at kasaysayan. Ito ang dapat unang itinuturo sa mga eskuwelahan.

Higit sa lahat, ang pinakamataas na pinuno ng Pilipinas, ang Presidente, ang dapat maging huwaran sa pagmamahal sa bansa. Hindi niya hahayaan na may sinumang makapangyarihang bansa na yuyurak sa soberenya ng Pilipinas. Ipagtatanggol niya ang kahit isang pulgada ng ating teritoryo. Buong tapang niyang haharapin ang mga higanteng bansa na mangmamaliit sa Pilipinas. Hinding-hindi niya kailanman sasabihin na siya’y inutil at walang magagawa sa harap ng panghihimasok ng ibang bansa.

Samakatuwid, ito ang isang napakahalagang katangian ng isang lider na dapat manguna sa atin bilang Presidente — isang lider na totoong nagmamahal sa Pilipinas, isang lider na hindi magtatago sa harap ng krisis, isang lider na handang ipagkaloob ang kanyang sariling buhay para sa kalayaan, kasarinlan, at karangalan ng Pilipinas.  Hanapin mo ang lider na iyan at ang kanyang pangalan ang isulat mo sa iyong balota sa Mayo 9. Tandaan, ang nakataya sa iyong pagpapasya ay ang kinabukasan mo at ang mga susunod na henerasyon!

Show comments