5,000 planeta, natuklasan
NAG-IISA lang ba sa buong universe ang daigdig bilang planetang maaaring mabuhay ang tao? Isa ito sa mga tanong hinggil sa kalawakan na hinahanapan ng sagot ng mga dalubhasa sa astronomiya at ibang larangan ng siyensiya. May mga nagpapahiwatig na posibleng may ibang mga planetang merong nabubuhay na ibang mga nilikha pero hindi sa paraang tulad ng sa sitwasyon ng mga tao sa Earth. Sa pagdaan ng mga dekada, marami nang natutuklasang planeta pero wala man lang kahit isa na tulad ng sa daigdig na maaaring mabuhay ang tao.
Nitong nagdaang linggo, napaulat ang kumpirmasyon ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) na umaabot na sa 5,005 ang natuklasan nitong mga exoplanet. Ang exoplanet ay mga planeta sa labas ng ating solar system. Pero, sa dami nito, wala ni isang puwedeng panirahan ng tao maliban sa Earth. Pero, sa pagsulong ng siyensiya at ng mas makabagong mga telescope, maaaring makatuklas ng iba pang mga exoplanet na umaabot sa bilyun-bilyon ang bilang. Kaya malaking tulong sa paghahanap ng ibang planeta o ibang buhay ang paglulunsad ng mga malalakas na telescope at ibang instrument sa malayong bahagi ng kalawakan.
Umaabot na sa 30 taon ang haba at tagal ng paghahanap sa mga exoplanet na ito. Ayon sa NASA, ilan sa mga planetang ito ay maliliit at mabato. Mga gas giant ang iba na tulad ng Jupiter. May mga exoplanet na umoorbit sa dalawang star habang meron namang umoorbit sa long-dead stars. Tinatayang 35% ng mga exoplanet ay dark at icy world na tulad ng Neptune, 31% ang super-Earth (mga planetang hanggang 10 times ng Earth’s mass pero mas maliit kaysa ng sa Neptune). Apat na porsiyento ang rocky planet na maikukumpara ang laki sa Earth o Mars.
Nagsimula noong 1992 ang paghahanap at pagkakatuklas ng naturang mga exoplanet. Karamihan ay nasa isang napakaliit na rehiyon sa labas ng galaxy natin na Milky Way. Ibig sabihin, libu-libong light-years ang layo ng mga ito sa Daigdig. Ang isang light year ay 5.88 trillion miles.
Ang unang planetang natuklasan noong 1995 na umiikot sa isang star na tulad ng sa araw ay isa palang mainit na planetang tulad ng Jupiter na binubuo lang ng mga gas. Ang isang taon sa planetang ito ay tumatagal lang ng apat na araw.
Kasabay ng paghahanap sa ibang mga planeta sa kalawakan ang pagsasaliksik ng mga dalubhasa sa ibang mga nilikhang maaaring nabubuhay sa malayong dako ng universe. Sinasabing, kung may ibang mga planetang ang kundisyon ng kapaligiran ay napakahirap para mapanirahan ng tao, hindi malayong merong ibang mga nilikhang nagagawang mabuhay sa naturang klase ng kapaligiran. Nananatiling katanungan hanggang sa kasalukuyan kung merong mga nilikhang nabubuhay sa ibang planeta.
Isa sa nakikitaan ng potensiyal na maaaring tirhan ng tao ang Mars na matagal nang pinag-aaralan ng mga scientist, astronomer at iba pang mga dalubhasa sa pamamagitan ng mga robotic spacecraft na naunang ipinadadala roon para suriin ang kapaligiran ng pulang planeta. Plano na nga ng NASA at ng ibang mga bansang merong mauunlad na space program na magpadala ng mga astronaut o tao roon. Bukod sa NASA, meron na ring robotic spacecraft ang China na ipinadala nito sa Mars para pag-aralan ang pulang planeta.
• • • • • •
Email: [email protected]
- Latest