EDITORYAL - Anti-Hazing Law walang silbi!

MAY nabiktima na naman ang mga berdugo sa fraternity — mayroon na naman silang pinatay. Kabilang sa bagong napatay ng fraternity ang 18-anyos na si Reymart Madraso, 18, estudyante, taga-Kalayaan, Laguna. Mga miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity ang nasa likod ng hazing na ikinamatay ni Madrazo noong Lunes. Naganap ang hazing sa isang bulubunduking lugar sa Kalayaan. Dinala si Madrazo sa isang ospital sa Pakil, Laguna subalit patay na ito dahil sa mga bugbog sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ang pangyayaring ito na paulit-ulit na lang ay nagpapatunay na walang silbi ang Anti-Hazing Law (Republic Act 11053) sapagkat patuloy ang hindi makataong pagpapahirap sa mga bagong miyembro ng fraternity. Wala pa ring ngipin ang batas ukol sa hazing. Marami pa ring miyembro ng fraternity ang mistulang berdugo sa oras ng initiation. Sa ilalim ng RA 11053, mahigpit na pinagbabawal ang hazing at iba pang bayolenteng initiation rites ng fraternities, sororities at iba pang katulad na grupo. Makakasuhan din ang eskuwelahan, leader ng fraternities, magulang at maging ang may-ari ng bahay na pinangyarihan ng hazing.

Noong Pebrero 2021, namatay din ang 23-anyos na Criminology student na si Omer Despabiladera ng Solis Institue of Technology sa Bulan, Sorsogon. Namatay si Despabiladera dahil sa matinding pahirap ng mga miyembro ng Tau Gamma Fraternity. Ayon sa pulisya, mahigit 20 miyembro ng Tau Gamma ang sangkot sa pagpatay kay Despabiladera. Hindi na nalaman kung ano ang nangyari sa kasong ito.

Noong Setyembre 2017, namatay ang UST law student na si Horacio ‘‘Atio” Castillo sa kamay ng mga miyembro ng Aegis Juris fraternity na kanyang kinaaaniban. Siyam na miyembro naman ng fraternity ang nakakulong dahil sa pagpatay kay Castillo.

May hazing din na nagaganap sa Philippine Military Academy (PMA) at Philippine National Police Academy (PNPA). Noong 2019, namatay si Cadet 3rd Class George Carl Magsayo nang suntukin sa sikmura ng isang Cadet 2nd Class. Namilipit sa sakit si Magsayo kaya isinugod sa isang ospital sa Sta. Rosa, Laguna subalit patay na nang idating doon.

Lagyan ng ngipin ang Anti-Hazing Law upang hindi na maulit ang pagpapahirap sa neophyte na nauuwi sa kamatayan nito. Kung may pangil ang batas, baka maiwasan na ang bilang ng miyembro na mapasama sa “pataynity’’.

Show comments