DATI nang maraming nagnenegosyo sa pamamagitan ng internet bago pa man nagkaroon ng pandemya. May mga nagbebenta ng iba’t ibang produkto na iniaanunsiyo nila at nakakatanggap ng mga kliyente sa pamamagitan ng iba’t ibang online platform tulad ng social media. Meron ding mga website na nagagamit ng mga nagnenegosyo para maipamalita at maibenta ang kanilang mga produkto. Lalo namang naging mas malaganap ang online selling mula nang magsimula ang pandemya at ipinataw ang mga lockdown o quarantine.
Naging malakas na instrumento ang internet partikular ang social media para makapaghanapbuhay ang maraming tao kahit nasa loob lang sila ng kanilang bahay. Nagagawa ang online selling kahit cell phone lamang ang ginagamit. Tiyak, kahit matapos ang pandemya, magpapatuloy pa rin ang mga pagbebenta ng mga produkto at maging ng mga serbisyo sa pamamagitan ng internet.
Pero, meron ding mga peligro sa online selling na ito. Maaaring madaya o mabiktima ng scam o makabili ng pekeng produkto ang konsyumer. O kaya naman mabiktima ng fake buyer o fake order ang nagbebenta at maging ang mga delivery rider. Nagkaroon na nga ng mga ganitong kaso sa nagdaang mga panahon.
Kaya naman, nitong nagdaang linggo, nagpaalala ang pamahalaan sa mga online seller na tumalima sa mga kinauukulang batas sa pagbebenta ng mga produkto.
Sa isang Joint Administrative Order (JAO) No. 22-01, inilatag ng Department of Trade and Industry, Department of Agriculture, Environment and Natural Resources, Health, National Privacy Commission, at Intellectual Property Office of the Philippines ang iba’t ibang batas at regulasyon sa pagbebenta, distribution at marketing ng mga produkto sa internet. Ipinapaalala nito sa lahat ng online business na ang mga batas, patakaran, at regulasyong ipinapairal sa mga physical stores ay ipinapairal din sa online stores.
Sinabi ng DTI na noong nakaraang taon, nakatanggap ito ng 12,000 reklamo hinggil sa mga online business tulad ng deceptive products, peke o piniratang produkto na kadalasanng ibinebenta sa mga digital platform at social media marketplaces. Sa ilalim ng JAO, kailangan munang iberipika ng lahat ng platform kung regulated, prohibited, genuine, licensed o unexpired ang mga produktong ibinebenta ng kanilang mga merchant.
Napuna ng mga regulator ang pagkalat sa internet ng mga item na ipinagbabawal ibenta nang walang lisensiya o permiso tulad ng fertilizers, chainsaws, medicines, at consumer products sa ilalim ng DTI-Bureau of Philippine Standards (BPS) mandatory list. Inihalimbawa rin ng pamahalaan ang mga repeaters, portable cell site equipment signal jammers. Hindi ito puwedeng ibenta nang walang lisensiya mula sa National Telecommunication Commission para maiwasan ang harmful interference sa mga cellular mobile network.
Nabatid na pinulong kamakailan ng NTC at DTI ang mga marketplace platform at telcos para aksyunan ang online sale ng mga repeaters, portable cell site equipment signal Jammers.
Sabi naman ni DTI Secretary Ramon Lopez, lahat ng digital platform kasama ang mga social media marketplaces tulad ng Facebook/Meta, Instagram, Viber, Lazada, Shopee, Carousell, at iba pa ay kailangang sumunod sa lahat ng umiiral na mga batas, patakaran at regulasyon. Dapat magpatupad sila ng strict protocols para maiwasang muling makapagbenta ang mga napatunayan nang nagkasala sa batas.