MATUTUWA ang mga fans ng sikat na Japanese horror movie character na si Sadako dahil isa na siyang vlogger at mayroon na siyang sariling Youtube channel!
Noong Marso 5, 2022, ini-upload ni Sadako ang pinakauna niyang video sa kanyang Youtube channel na tinawag niyang “Sadako ni Ido Kurashi’’ na ang ibig sabihin ay “Sadako’s Well Life’’.
Tulad sa kanyang mga pelikula, hindi nagsasalita sa Sadako sa kanyang mga Youtube videos. Bukod sa subtitles, iminumuwestra lamang niya ang gusto niyang sabihin sa kanyang viewers.
Ang paksa sa unang niyang video ay “Room Tour” kung saan ipinakita niya ang kanyang kuwarto na isang traditional tatami room na may balon at old style CRT television. Sa pelikula ni Sadako na “The Ring”, lumalabas siya sa TV o sa balon kapag mambibiktima na siya ng mga tao.
Hanggang ngayon, misteryo kung sino ang gumaganap sa Sadako sa mga Youtube videos at walang makapagsabi kung parody lamang ba o official na content ba ito ng Kadokawa Pictures, ang producer at nagmamay-ari ng “The Ring” movie franchise.
Sa kasalukuyan, may 63,000 subscribers na ang Youtube channel ni Sadako at may 400,000 views na ang unang video nito.