Bangkay ng natagpuang ‘sirena’ sa Japan, sinimulan nang pag-aralan ng scientists!

ISANG misteryosong mummified na bangkay ng sirena sa Japan ang sinimulang pag-aralan ng mga siyentipiko upang alamin kung totoo nga ba na may mga sirena.

Matatagpuan ang 300 year old mummified mermaid sa Enjuin Temple sa Asakuchi City, Okayama Prefecture. Nakasulat sa kahon nito na nahuli ang sirena sa pagitan ng mga taong 1736 at 1741 at ibinenta sa Osaka sa isang mayamang pamilya. Hanggang ngayon, hindi matukoy kung paano ito napunta sa Enjuin Temple.

Ayon sa lumang paniwala ng mga Hapones, nakakapagbigay nang mahabang buhay kapag nakakain ng laman ng sirena. Dahil sa paniwalang ito, madalas bisitahin ang sirena sa Enjuin Temple para dasalan at hingan nang maayos na kalusugan.

Simula nang nalaman ng karamihan ang tungkol sa sirena sa Enjuin Temple, naging laman na ito ng mga debate kung totoo ba ito o minanipulang bangkay lamang. Maraming nagsasabi na bungo lamang ito ng unggoy na tinahi sa buntot ng isda.

Ngayong 2022, pumayag na ang mga monghe ng Enjuin Temple na ipahiram ito sa mga siyentipiko para pag-aralan. Sa research na pamumunuan ng paleontologists ng Kurashiki University of Science and the Arts, sasailalim ang sirena sa DNA tests, CT scan at mga scientific analysis upang matukoy kung anong specie ito.

Ilalabas ng Kurishiki University ang kanilang findings sa huling bahagi ng 2022.

Show comments