NAGAMBALA ang moviegoers sa panonood nila ng pelikulang “The Batman” nang may umeksenang totoong paniki sa sinehan!
Nang mapansin ng isang manonood na may lumilipad na paniki sa loob ng sinehan, mabilis siyang humingi ng tulong sa mga staff ng Moviehouse & Eatery sa takot na baka may kagatin ito.
Itinigil panandalian ang pelikula at tumawag ng animal control ngunit bigong nahuli ang paniki.
Dahil dito, nag-offer ang management ng refund sa kanilang mga customers ngunit karamihan sa mga ito ay mas piniling manatili at tapusin ang pelikula.
Ayon sa general manager ng Moviehouse & Eatery, walang nasaktan na moviegoer sa nangyaring insidente.
Sa imbestigasyon na isinagawa ng management, napag-alaman na isa sa mga moviegoers ang sadyang nagdala ng paniki para pakawalan sa sinehan bilang prank.
Pinangako nila na sa mga susunod na screening ng “The Batman” ay iinspeksyunin na nilang mabuti ang mga bag ng bawat papasok sa sinehan.