EDITORYAL - Oil Deregulation Law, repasuhin
BUKAS, magtataas na naman ng presyo ang mga produktong petrolyo. Ika-sampu na pagtataas mula Enero 1, 2022. Sa kasalukuyan, $105 ang bawat bariles ng krudo sa pandaigdigang pamilihan at tataas pa raw dahil sa pananakop ng Russia sa Ukraine. Posible raw umabot sa $200 ang bawat bariles at kapag ganito na kataas, ang mga bansang mahihirap na katulad ng Pilipinas ang apektado. Kahit pa ang langis na ginagamit ng bansa ay galing sa Middle East, apektado pa rin ang ekonomiya. Nakadepende sa langis kaya walang magagawa sa dikta ng mga oil producing countries.
At sa kabila ng mga sunud-sunod na pagtataas, walang hakbang na isinasagawa para mabawasan ang impact sa mamamayan. Kapag tumaas ang presyo ng gasolina, diesel at kerosene, mga mahihirap ang tinatamaan. Gaya ng mga jeepney drayber na wala nang naiuuwing kita sa pamilya sapagkat napunta na sa gasolina at diesel. Humihirit ng dagdag sa pasahe ang transport groups.
Noong Miyerkules, hiniling ni President Duterte sa Kongreso na rebyuhin ang Oil Deregulation Law (Republic Act 8479). Nararapat umaksiyon agad ang mga mambabatas ukol sa batas na ito. Isailalim muna sa control ng gobyerno ang pricing activity ng langis. Kung hindi ganito ang gagawin, kawawa ang taumbayan sa walang tigil na pagtaas ng gasolina, diesel at kerosene.
Kung walang magagawa sa Oil Deregulation Law, ihinto muna ang excise tax sa petroleum products. Nakasaad sa TRAIN Law na kapag umabot sa $80 ang bawat bariles ng langis, awtomatic na suspendido ang pagkaltas ng buwis sa petroleum products. Dapat sundin kung ano ang nakasaad sa TRAIN Law.
Mataas ang mga bilihin at wala nang ikakaya ang mamamayan na hindi pa nakakabangon sa pananalasa ng pandemya. Gawin ng pamahalaan ang pinakaepektibo at mabilis na paraan upang hindi ganap na mahirapan sa walang humpay na oil price hike. Nagdudugo na ang balikat ng mamamayan dahil sa bigat ng pinapasan. Umaksiyon na sana para mabawasan ang dinadala ng mga mahihirap.
- Latest